Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Testigo ni VP Sara, para daw ChatGPT kung sumagot

Kinuwestiyon nina Senator-Judges Raffy Tulfo at Francis “Kiko” Pangilinan ang batayan at bigat ng testimonya ng defense witness ni Vice President Sara Duterte matapos nitong punahin ang mga bahagi ng forensic report na hindi niya nabasa nang buo.

Sa impeachment hearing noong November 19, sinabi ni Atty. Rainer Dela Fuente na agad niyang nakita ang mga problema sa ipinakitang bahagi ng ulat ni prosecution forensic accountant Atty. Alexander Cabrera.

“Sa isang tingin ko pa lang po, kanina, alam ko na po kung ano yung mga problema,” ani Dela Fuente.

Ikinumpara siya ni Tulfo sa supercomputer o ChatGPT dahil sa bilis ng pagtatasa.

“Isang kita lang, alam mo na agad kung saan ang mali doon,” ani Tulfo. “Without even studying it, without even reading it, without even analyzing it.”

Sa cross-examination ni House Prosecutor Chel Diokno, inamin ng testigo na hindi niya nabasa ang buong ulat o nasuri ang mga bank, tax, corporate at insurance record na tinukoy sa mga tanong.

Saklaw ng pagsusuri ni Cabrera ang P817.87 milyon na umano’y undeclared assets at unexplained wealth ni Duterte noong 2022–2025.

Nilinaw ni Dela Fuente na anti-money laundering standards, legal na proseso at piling materyal ang batayan ng kanyang mga sagot.

“I’m not discounting the entire report, just the portion shown to me,” aniya.

Nang sabihin niyang hypothetical ang mga tanong, kinuwestiyon ni Pangilinan ang halaga ng kanyang testimonya bilang ebidensiya.

“So what is the probative value of your testimony if you answer hypothetically?” tanong ng senador.

Inihalintulad ni Pangilinan ang sitwasyon sa law student na handang magkomento sa desisyong hindi naman nabasa. Nang tanungin kung anong grado ang makukuha nito, sumagot si Dela Fuente: “Bagsak po.”

Kinilala naman ni Pangilinan ang paglilinaw ng testigo na hypothetical ang kanyang mga pahayag at sinabing dapat itong isaalang-alang ng korte.

“Again, I mentioned I have no personal knowledge about the report. I cannot give a definite analysis or conclusion,” ani Dela Fuente.

Sa briefing pagkatapos ng pagdinig, iginiit ni Diokno na kailangang alam ng testigo ang mga pangyayari at nabasa ang mahahalagang dokumento bago suriin ang ulat.

Tinalakay rin niya ang karanasan ng testigo. Naging financial investigator ng Anti-Money Laundering Council si Dela Fuente mula July 2015 hanggang August 2017 bago lumipat sa Technical Services Staff. Ayon sa testigo, nagpatuloy ang dati niyang mga kaso matapos ang paglipat at kalaunan ay nagsagawa rin siya ng financial investigations sa pribadong practice.

“How can you properly evaluate a forensic report if you haven’t read it?” tanong ni Diokno. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles