Halos triple ang bilang ng socialized housing units na pinondohan ng Pag-IBIG Fund sa unang siyam na buwan ng 2026 sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o Expanded 4PH.
Mula January hanggang September, umabot sa 10,904 units ang napondohan para sa minimum-wage at low-income members. Mas mataas ito ng 173 porsiyento sa 3,987 units noong kaparehong panahon ng 2025.
Umakyat din ng 172 porsiyento ang socialized housing financing, mula P4.45 bilyon tungong P12.10 bilyon. Lumaki ang bahagi nito sa kabuuang bahay na pinondohan ng Pag-IBIG, mula 7 porsiyento tungong halos 16 porsiyento.
Iniugnay ni Department of Human Settlements and Urban Development Secretary at Pag-IBIG Fund Chairperson Jose Ramon Aliling ang pagtaas sa mas abot-kayang pautang.
“By making home financing more affordable, we are helping more minimum wage and low-income workers move closer to owning a home of their own,” ani Aliling.
Makakakuha ang kwalipikadong socialized housing buyers ng subsidized 3-percent home loan rate. Nag-aalok din ang Pag-IBIG ng promotional rate na 4.5 porsiyento para sa pautang na hanggang P4.9 milyon at 5.75 porsiyento para sa lampas P4.9 milyon hanggang P10 milyon, alinsunod sa umiiral na kondisyon.
Sa kabuuan, pinondohan ng Pag-IBIG ang 68,514 bahay na nagkakahalaga ng P111.29 bilyon mula January hanggang September. Katumbas ito ng 15-porsiyentong pagtaas sa bilang ng bahay at 20-porsiyentong paglago sa housing loan releases. /Bistado


