Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

SC: Seafarers, hindi na kailangang mag-bond para makuha ang disputed awards

Ibinasura ng Supreme Court ang probisyong nag-aatas sa mga seafarer na maglagak muna ng bond bago maipatupad ang monetary award na pabor sa kanila habang nakabinbin ang apela o judicial review.

Sa hiwalay na desisyon, pinabayaran din ng SC ng US$95,000 permanent total disability benefits ang seaman na si Jonathan Ian Ponio matapos hindi maibigay ng kanyang mga employer ang nakasulat na final medical assessment.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, bahagyang pinagbigyan ng SC en banc ang limang pinagsamang petisyon laban sa ilang probisyon ng Republic Act 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers, implementing rules nito at mga kaugnay na kautusan.

Idineklarang labag sa Konstitusyon ang Section 59 sa bahaging nagpapataw ng bond requirement. Ayon sa Korte, lumalabag ito sa due process at equal protection dahil pinapasan sa mga seafarer ang gastos para maipatupad ang paborableng labor judgment, isang pasaning hindi ipinapataw sa ibang manggagawa.

Kinilala ng SC ang layuning pigilan ang ambulance chasing at protektahan ang industriya laban sa mga award na hindi na maibabalik kapag nabaligtad ang desisyon. Gayunman, hindi sapat ang mga layuning ito upang bigyang-katwiran ang restriksyon.

Ibinasura rin ang pahintulot na gamitin ang AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa bond premiums dahil hindi nito natutugunan ang rekisitong dapat gamitin ang pampublikong pondo para sa pampublikong layunin.

Kasamang pinawalang-bisa ang Sections 4 at 5, Rule III ng DOLE Department Order No. 247, Series of 2025, sa mga bahaging nagpapatupad ng bond requirement.

Pinawalang-bisa rin ang bahagi ng Section 1, Rule XXII ng implementing rules na naglalapat ng Section 59 sa monetary awards mula sa mga reklamong inihain mula nang magkabisa ang batas. Ayon sa SC, sumasalungat ito sa Section 94 na nagpapanatili ng dati nang karapatan, pribilehiyo at benepisyo ng mga seafarer.

Sa usapin ng legal representation, ibinasura ang mga bahagi ng Section 60 ng RA 12021 at Section 4 ng RA 10706 o Seafarers Protection Act na nagpapataw ng 10% ceiling sa bayad sa abogado, notarized certifications at undertakings, at mga patakaran sa paniningil.

Giit ng Korte, maaari mang gumawa ng batas ang Kongreso laban sa mapang-abusong gawain, eksklusibong kapangyarihan ng SC ang regulasyon sa propesyon at asal ng mga abogado.

Samantala, pinagtibay ng Korte ang Sections 75, 76 at 78 tungkol sa regulasyon ng maritime education ng Maritime Industry Authority (MARINA).

Hindi umano hadlang ang academic freedom sa makatwirang regulasyon para matiyak ang kalidad ng edukasyon, kakayahan ng mga seafarer at pagsunod sa international standards.

Pinanatili rin ang mga rekisito sa enrollment at available na shipboard training, gayundin ang pagbabawal sa tuition o matriculation fees para sa shipboard training na isinasagawa ng third-party providers.

Ibinasura rin ang mga pagtutol sa proseso ng pagpasa ng batas, kabilang ang three-reading rule, presentment requirement, presidential certification of urgency at kapangyarihan ng bicameral conference committee. Nananatiling may bisa ang Magna Carta maliban sa mga probisyong tahasang pinawalang-bisa.

Sa hiwalay na kaso ni Ponio, inutusan ang RCCL Crew Management Inc. at Royal Caribbean Cruise Ltd. na bayaran siya ng US$95,000 sa ilalim ng kanyang collective bargaining agreement, kasama ang 10% attorney’s fees at 6% taunang legal interest.

Normal ang pandinig niya bago ma-deploy bilang galley steward. Nagkaroon siya ng impeksyon sa kanang tainga habang nagtatrabaho at na-repatriate noong October 30, 2017 dahil sa moderate to severe conductive hearing loss.

Ayon sa DMW, nilinaw ng desisyon na kailangang magpatingin ang seafarer sa loob ng tatlong working days mula repatriation at dumalo sa regular na checkup. Dapat namang ibigay ng employer ang nakasulat na final medical assessment sa loob ng naaangkop na 120 o 240 araw. Kapag hindi ito naibigay, itinuturing na total at permanent ang disability. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles