Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PVL Siklab: Foxies, Flying Titans, target ang ikatlong panalo

Lahat ng siyam na koponan ay may pagkakataon pang umabante sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series semifinals.

Dahil mahalaga ang bawat panalo, hangad ng Farm Fresh (2-1) at Akari (1-2) na mapalakas ang kanilang momentum mula sa mga nakaraang panalo sa kanilang paghaharap 1 p.m. ngayong Martes sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.

Susubukan naman ng Choco Mucho (2-1) na buhayin muli ang kampanya nito laban sa wala pang panalong Galeries Tower (0-3) simula 6 p.m.

Ang nag-iisang laban sa Spikers’ Turf ay sa pagitan ng AFP at VNS sa ganap na alas-3:30 ng hapon.

Ang apat na nangungunang koponan matapos ang single-round elimination phase ang uusad sa semifinals, kung saan ang top two ay magkakaroon ng twice-to-beat advantage.

Huling nag-host ng laban sa PVL ang venue sa Maynila noong Marso, nang manaig ang Akari laban sa Choco Mucho, 25-15, 23-25, 25-16, 15-25, 21-19, sa All-Filipino Conference.

Nakabawi ang Chargers matapos matalo sa unang dalawang laro, nang walisin nito ang PLDT High Speed Hitters, 25-18, 25-19, 25-22, noong Oktubre 20.

Naghatid naman ang Foxies ng kahanga-hangang comeback matapos bumangon mula sa dalawang set na pagkakaiwan at gulatin ang dating walang talong Flying Titans, 20-25, 26-28, 25-23, 25-23, 15-13, noong Oktubre 22.

Para sa Akari, malaking tulong ang straight-sets na panalo laban sa PLDT matapos ang malinis na pagkatalo sa Creamline (25-18, 25-21, 25-18) at masakit na limang-set na kabiguan sa Capital1  (28-26, 22-25, 25-15, 23-25, 21-19).

Gayunman, mas mabigat na pagsubok ang naghihintay sa Chargers laban sa Farm Fresh na puno ng kumpiyansa matapos ang kahanga-hangang pagbawi nito laban sa Choco Mucho.

Apat na manlalaro ng Foxies ang nagtala ng double figures sa kanilang upset win laban sa Choco Mucho.

Pinangunahan ng beteranang si Mylene Paat-Rezanova ang opensa sa naitalang 15 puntos, habang nagdagdag naman ng 14 puntos ang reigning league Most Valuable Player na si Trisha Tubu. Nagtala si Royse Tubino ng 12 puntos upang punan ang kakulangan ng isa pang beteranang si Ces Molina na nagtapos na may tatlong puntos lamang.

Nagpakitang-gilas din ang rookie na si Jonna Perdido sa naitalang 11 puntos, kabilang ang mahahalagang atake sa tensyonadong huling bahagi ng laban.

“I think sa akin, ‘yung mindset ko ay suportahan kami sa bawat isa so kung sinong ipasok sa amin, kung sino ipasok ni coach, kailangan support namin ‘yung bawat isa,” ani Rezanova.

Si Eli Soyud lamang ang nagtala ng double figures sa panalo ng Akari laban sa PLDT, kaya marami pang pagkakataon para sa mga pangunahing hitters na sina Faith Nisperos, Grethcel Soltones, Ivy Lacsina, Fifi Sharma, Ced Domingo at Jyne Soreño na ipakita ang kanilang kakayahan.

“Siguro more on maging consistent when it comes to receiving, passing and syempre hindi dapat mawawala ‘yung leadership. Even if may nagkakamali, it’s normal, wala namang perfect na player so I think one thing ‘yun na kailangan i-look forward pa lagi,” ani Akari team captain Justine Jazareno.

Samantala, sabik ang Choco Mucho na makabawi matapos masayang ang malaking kalamangan nito laban sa Farm Fresh.

Sa pangunguna ng explosive duo ng dating University of Santo Tomas stars na sina Sisi Rondina-Rosales at Eya Laure, sisikapin ng Choco Mucho na gawing motibasyon ang kabiguan upang makabawi laban sa Highrisers.

Nagbibigay rin ng dagdag na opsyon sa Flying Titans sina Kat Tolentino, Caitlyn Viray, Des Cheng, Isa Molde, Lorraine Pecaña, Jen Villegas at Jaila Atienza.

Samantala, patuloy na naghahanap ng kasagutan ang Galeries Tower matapos matalo sa unang tatlong laban nito, kung saan dalawang set lamang ang naipanalo ng koponan.

Gayunman, determinado pa rin ang Highrisers na patunayang karapat-dapat silang makipagsabayan. Nakatutok sina Shola Alvarez, Aiza Pontillas, Gayle Pascual, Jean Asis, Ann Asis, Roselle Baliton, Camille Victoria, Lycha Ebon at Erika Deloria upang makamit ng Galeries ang una nitong panalo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles