Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PAWS sa pet owners: Kasuhan ng estafa ang crematorium

Hinimok ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang mga may-ari ng 25 aso at pusang itinapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte City, Bulacan, na sampahan ng estafa ang pet crematorium na binayaran umano para sa cremation ng kanilang mga alaga.

Ayon sa PAWS, nagbayad ang mga pet owner para mabigyan ng marangal na pamamaalam ang kanilang mga alaga. Sa halip, natagpuan ang mga labi sa New Town Street, Barangay Minuyan Proper.

“Pet parents paid for a service that was supposed to provide their beloved companions with a dignified farewell. Instead, their remains were reportedly dumped like garbage in a vacant lot,” pahayag ng PAWS.

Sinabi ng grupo na posibleng pumasok ang kaso sa Article 315, paragraph 2(a) ng Revised Penal Code kung mapatutunayang gumamit ng maling representasyon ang crematorium para tumanggap ng bayad.

“This is not merely a failure to deliver a service but constitutes estafa by means of deceit,” dagdag nito.

Hindi direktang saklaw ng Animal Welfare Act ang pangunahing reklamo, paliwanag ng PAWS, dahil patay na ang mga hayop nang ibigay sa crematorium. Nakatuon ang posibleng kaso sa umano’y panlilinlang sa mga kliyente at sa serbisyong binayaran ngunit hindi umano isinagawa.

Pinayuhan ng grupo ang mga pet owner na itago ang mga resibo, cremation certificate, litrato, mensahe at iba pang dokumento. Mahalaga ang mga ito sa pagbuo ng reklamo at pagpapatunay ng bawat transaksiyon.

“Each complaint, supported by evidence, can help establish the extent of the alleged wrongdoing and prevent other grieving families from experiencing the same,” pahayag ng PAWS.

Lumahok ang 39 pet owner sa isang online meeting ng grupo. Kabilang sa kanila ang mga pamilyang nakabawi ng labi at dating kliyenteng nagdududa kung abo ng kanilang alaga ang naibalik sa kanila.

Nakikipagtulungan ang PAWS sa Luna and Furry Siblings at Philippine Animal Rescue Team (P.A.R.T.) para tipunin ang mga dokumento at litrato. Sinusuri rin ang posibleng paglabag sa mga tuntunin sa kalinisan, pampublikong kalusugan at kapaligiran.

Nag-alok ang PAWS ng libreng tulong legal sa mga apektadong pamilya. 

Binubuo ng 22 aso at tatlong pusa ang 25 labíng narekober. Nakalagay ang bawat hayop sa magkakahiwalay na supot na may pangalan at timbang. Naiuwi na ng kani-kanilang pamilya ang lahat ng labi, ayon sa Luna and Furry Siblings.

Ayon sa pulisya, nasa pitong malalaking sako ang mga hayop na umano’y itinapon ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki mula sa isang van bandang alas-2 ng madaling araw noong Huwebes, October 29. Pansamantalang inilibing ang mga labi, ngunit hinukay muli nang dumating ang mga may-ari para kilalanin ang kanilang mga alaga.

“They made a mistake dumping the pets in San Jose del Monte. We are all pet lovers in this city,” pahayag ni San Jose del Monte police chief Col. Nelson Sardin.

Sinuspinde ni Bacoor Mayor Strike Revilla ang business permit ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium at ipinahinto ang operasyon nito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Inatasan niya ang mga legal, licensing, environment at veterinary office ng lungsod na suriin ang mga permit, record at posibleng paglabag kaugnay ng pagtatapon ng mga labi.

Nakipagpulong si Revilla sa may-aring si Jonathan Legaspi at mahigit 30 pet owner. Sinabi umano ni Legaspi na may cremation machines ang negosyo sa Bacoor at Caloocan at dinadala sa Caloocan ang ilang hayop.

Sa paunang imbestigasyon, walang naipakitang sapat na patunay ng cremation para sa mga kinukuwestiyong transaksiyon. Wala ring closed-circuit television footage at kumpletong record para matiyak kung ang mga hayop sa Bulacan ang mga iniwan sa kompanya o kung tamang abo ang naibalik sa mga pamilya.

Iniulat din ng Luna and Furry Siblings na 14 patay na aso ang natagpuan sa parehong lugar noong May 19. Dalawa lamang, sina Caesar at Milo, ang nakilala. Sinisiyasat pa kung may kaugnayan ang naunang insidente sa kasalukuyang kaso.

Humiling ang PAWS ng pambansang imbestigasyon sa mga pet crematorium. Nanawagan ito sa Department of the Interior and Local Government, Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, Bureau of Animal Industry, Department of Trade and Industry, Philippine National Police at National Bureau of Investigation na suriin ang mga permit, operasyon at reklamong inihain ng mga kliyente.

“The trust of grieving pet parents must never be exploited,” pahayag ng PAWS.

Patuloy ang mga imbestigasyon. Wala pang pinal na pasya sa pananagutang kriminal ng sinumang sangkot. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles