Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P3.5 million, pabuya para kina YOG medalists Cesar, Wangkay

Makakatanggap ng pinagsamang PHP3.5 milyon na insentibo mula sa pamahalaan ang mga Youth Olympic Games (YOG) medalist na sina Naomi Marjorie Cesar at Pi Durden Forward Wangkay bilang pagkilala sa kanilang husay sa Dakar 2026.

Makakakuha si Cesar ng PHP2.5 milyon para sa kanyang silver medal sa women’s 800 meters, habang tatanggap naman ng PHP1 milyon ang kapwa niya 17-anyos na si Wangkay para sa kanyang bronze medal sa men’s 200 meters.

Nagtala si Cesar ng dalawang minuto at 9.34 segundo upang maihatid ang kauna-unahang medalya ng Pilipinas sa kompetisyon. 

Sinundan naman ito ni Wangkay na nagtala ng national U18 at U20 record na 21.36 segundo, ngunit 0.004 segundo lamang ang naging agwat niya sa silver medal.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10699, may karapatan ang mga national coach ng Youth Olympics na makatanggap ng katumbas ng 50 porsiyento ng insentibong iginagawad sa kanilang atleta.

Ang dalawang medalyang nasungkit ng Pilipinas ang pinakamahusay na kampanya nito sa kasaysayan ng YOG na nalampasan ang silver medal na nakuha ng kiteboarder na si Christian Tio sa Buenos Aires 2018.

Pi Durden Forward Wangkay (Philippine Athletics Inc. photo)

“At only 17, Cesar and Wangkay have already made history and given Philippine athletics even more reason to believe in its next generation,” ayon sa Philippine Olympic Committee.

‘You have proven that with grit, determination, and hard work, no stage is too big for the Filipino spirit. The future of Philippine athletics is incredibly bright!”

Nanguna ang China sa medal tally matapos makalikom ng 17 gold, walong silver at pitong bronze medals. Pumangalawa ang Japan na may 10 gold, walong silver at siyam na bronze, habang pumangatlo ang Russian Federation na may walong gold, apat na silver at dalawang bronze.

Ito ang unang pagkakataon na kinilala ng International Olympic Committee ang watawat ng Russia sa alinman sa mga kompetisyon nito mula nang salakayin ng bansa ang Ukraine noong 2022.

Pinakamataas ang puwesto ng Singapore sa mga bansang Southeast Asian matapos magtala ng 1-1-0 kartada sa ika-49 na puwesto. Sumunod ang Vietnam sa ika-64 na puwesto (0-2-0), habang magkasalo sa ika-66 na puwesto ang Indonesia (0-1-2).

Nasa ika-68 ang Pilipinas (0-1-1), kasama ang lima pang bansa, kabilang ang Thailand.

Nagtipon ang mga atletang edad 14 hanggang 17 para sa multi-sport competition na ginanap mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 13.

Naging makasaysayan din ang kompetisyon dahil ito ang unang pagkakataon na isang bansa sa Africa ang nag-host ng isang Olympic event.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles