Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P205K dinner, P256K Nike shoes ng mister ni VP Sara, kinuwestiyon sa impeachment trial

Ginisa ng House prosecution ang mga testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte tungkol sa P205,000 dinner sa Japan at P256,000 Nike shoe giveaway sa Malaysia na parehong binayaran gamit ang credit card ng mister niyang si Atty. Manases Carpio.

Kinuwestiyon ng mga prosecutor kung naaayon sa simpleng pamumuhay na hinihingi ng batas sa mga opisyal ng gobyerno at kanilang pamilya ang naturang gastusin.

Ayon kay private prosecutor Atty. Virgil Ligutan, umabot sa P205,007.29 ang bill sa Ginza Inakaya restaurant sa Tokyo noong May 19, 2023.

“An official and their family should lead a modest life. This goes into the heart of the controversy,” ani Ligutan.

“Kaya po ba ng ating mga kababayan na kumain sa isang upuan, gagastos ng P200,000? Is that leading a modest life?” tanong niya.

Ayon sa defense witness na si Anel Martin Antero, 11 magkakaibigan ang nagsalo sa hapunan. Ginamit umano ni Carpio ang kanyang credit card bago siya binayaran ng iba pang kasama.

Gayunman, inamin ni Antero na wala siyang dokumentong magpapatunay sa reimbursement o larawang magpapatunay na 11 silang kumain.

“Wala po,” sagot niya nang hanapan ng bank transfer record o acknowledgment mula kay Carpio.

Samantala, kinuwestiyon din ni private prosecutor Atty. Reynaldo Robles ang P256,882.50 na ginastos ni Carpio sa Nike shoes sa isang children’s basketball tournament sa Kuala Lumpur noong June 2025.

Kinumpirma ng testigong si Chadrin Parian na hindi lamang mga batang manlalaro ang binilhan ng sapatos kundi pati mga adult na kasama ng koponan.

“So nakikita po natin dito na hindi lang po ’yung mga bata ang inilibre ng sapatos ni Atty. Carpio. Tama po ba?” tanong ni Robles.

“Tama po. Opo,” sagot ni Parian.

Inamin din niyang hindi niya kayang gumastos ng ganoong kalaking halaga para mamigay ng sapatos.

“May nabigyan din po ako ng mga sapatos. Pero ’yung ganito na ganyang kadami, P256,000, hindi ko po kaya ’yan,” aniya.

“Ito po ba ay isang example ng simple at payak na pamumuhay? Maglibre ka ng sapatos ng lahat ng tao diyan?” tanong ni Robles.

Tumanggi namang husgahan ni Parian ang pamumuhay ni Carpio at sinabing karapat-dapat tumanggap ng sapatos ang mga bata at magulang.

Kinontra ng depensa ang mga tanong dahil ipinatawag lamang umano ang mga testigo para ipaliwanag ang credit card transactions at hindi si Carpio ang respondent sa impeachment case.

Sinabi naman ni Presiding Officer Sen. Francis Escudero na pasok ang P205,000 dinner sa idineklarang net worth ni Duterte na tinatayang P88 milyon.

Sa ilalim ng Konstitusyon at Republic Act No. 6713, kailangang mamuhay nang simple ang mga opisyal at kanilang pamilya.

Kabilang ang mga gastusin sa pagsusuri ni forensic accounting expert Atty. Alexander Cabrera kaugnay ng P817.87 milyon hanggang P1.5 bilyong umano’y unexplained wealth ng mag-asawa, na bahagi ng natitirang Article II impeachment charge laban kay Duterte. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles