Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Kampo ni VP Sara, humirit ng subpoena para sa 4 na bagong testigo

Humiling ang depensa ni Vice President Sara Duterte ng subpoena para sa apat na testigong nais nitong iharap sa impeachment trial sa November 19 at 20.

Kabilang sina Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting PH, DTI Undersecretary Dr. Ceferino Rodolfo, FDA Director IV Pilar Marilyn Pagayunan at Rowena Mendoza ng Center for International Trade Expositions and Missions.

Kinumpirma ni House prosecutor Manila Rep. Joel Chua ang kahilingan ngunit walang ibinigay na detalye sa kanilang inaasahang testimonya.

Nauna nang sinabi ng depensa na mayroon pa itong walo hanggang 10 testigo. Hindi pa malinaw kung magdaragdag pa ito. Kailangang isumite ang mga pangalang wala sa pre-trial order nang hindi bababa sa limang araw bago ang pagdinig.

Hinimok ni lead House prosecutor Batangas Rep. Gerville Luistro ang depensa na ituon ang natitirang presentasyon sa makabuluhan at sapat na ebidensya upang mapabilis ang paglilitis.

“Because if the evidence is neither competent nor substantial, I think we are just wasting the time of the impeachment court,” ani Luistro.

Ayon sa kanya, pagkaunawa ng prosekusyon na ang walo hanggang 10 indibidwal ang huling mga testigo ng depensa.

Binatikos niya ang unang linggo ng presentasyon dahil tumutok umano ito sa maliliit na usapin sa halip na kontrahin ang pagsusuri ni forensic accounting expert Alexander Cabrera hinggil sa P817.87 milyong umano’y undeclared assets at unexplained wealth.

Gayunman, sinabi ni Luistro na bibigyan niya ng pagkakataon ang mga susunod na saksi.

“We look forward that come November 19, sa resumption ng trial, they will be presenting relevant, competent witnesses,” aniya.

November 19 at 20 na lamang ang natitirang pagdinig ngayong buwan. Ayon kay Luistro, walang sesyon sa November 23 dahil ilalaan ang linggong iyon sa budget hearings. Sa December na ang kasunod na mga pagdinig.

Wala pang tiyak na petsa ng pagtatapos ng paglilitis, bagaman umaasa ang ilang senator-judge na matatapos ito bago ang Christmas break.

Unexplained wealth na lamang ang natitirang saklaw ng kaso matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlo pang articles of impeachment. Itinatanggi ni Duterte ang mga alegasyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles