Handang humarap sa mga budget watchdog ang Kamara para talakayin ang mga kinukuwestiyong proyekto at alokasyon sa panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027.
Ito ang tiniyak ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin noong Sabado, November 14, habang sinusuri ng Senado ang General Appropriations Bill.
“Bukas na bukas ang Kongreso para pag-usapan ito at pakinggan ’yung hinaing ng ating mga budget watchdogs,” ani Garin sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Gayunman, kinontra niya ang pahayag na walang batayan ang humigit-kumulang P1 trilyong listahan ng mga proyektong kinukuwestiyon.
“Napaka-imposible nung sinasabing walang basehan ang 1 trillion na listahan ng mga project,” ani Garin, na binanggit ang kanyang paglahok sa deliberasyon ng badyet.
Paliwanag niya, ilang buwan nang inihahanda ng mga ahensiya ang kanilang mga panukala bago makarating sa Kongreso. Dumaraan muna ang mga ito sa pagsusuri ng Department of Budget and Management at sangay ehekutibo.
Ayon kay Garin, maaaring may mga proyektong sa simula ay kulang pa sa engineering design, programa ng trabaho o right-of-way clearance, na kinukumpleto habang nirerepaso ang mga panukala.
Nagbabago rin aniya ang mga prayoridad dahil sa bagyo, lindol at iba pang emergency. Halimbawa, maaaring ipagpaliban ang isang nakaplanong kalsada upang unahin ang pagkukumpuni ng nasirang pangunahing highway o tulay.
Sa mga tanong tungkol sa lokasyon ng farm-to-market roads, sinabi ni Garin na makatutulong ang road stationing, o pagtukoy sa partikular na bahagi ng kalsada, para maikumpara ang paglalarawan ng proyekto sa aktuwal na konstruksyon.
Nilinaw din niyang kabilang sa mga proyektong tinatawag ng DPWH na multipurpose buildings ang mga silid-aralan, daycare center, evacuation center at pasilidad pangkalusugan. /Bistado


