Posibleng maglabas ng hatol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong December kung matatapos ng depensa ang natitirang walo hanggang 10 testigo nito, ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon.
Tantiya ni Ridon, maaaring matapos ang presentasyon ng depensa sa katapusan ng November o unang linggo ng December.
“Baka magtuloy lang ho ng first week, kalahati ng first week of December. Pero hopefully within December ‘yun pong pagpapasya ng Senate impeachment court, eh, makukuha na po natin pagkatapos po ng lahat po ng ito,” aniya.
Magpapatuloy ang pagdinig sa November 19 at 20 matapos ang unang linggo ng presentasyon ng depensa noong November 9–12.
Nauna nang tumestigo sina Davao City Assessor Jaime Adalin at Samal City Assessor John Kenneth Enumerables tungkol sa mga ari-ariang nakapangalan sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Ipinaliwanag naman ni corporate counsel Suzette Balucanag-Punay ang mga interes ni Duterte sa negosyo at mahigit P2.1 milyong tsek na natanggap nito mula 2022 hanggang 2025.
Tinalakay rin ng ibang testigo ang P205,007 restaurant bill sa Tokyo at P256,882 na pagbili sa Nike store sa Kuala Lumpur.
Inaasahang maghaharap pa ang depensa ng mga saksi upang kontrahin ang ebidensya ng prosekusyon hinggil sa hindi bababa sa P817.87 milyong umano’y unexplained wealth at undeclared assets.
Pagkatapos ng mga testimonya, kailangang pormal na ialok ng depensa ang ebidensya nito. Makasasagot ang prosekusyon bago itakda ng korte ang mga natitirang hakbang, kabilang ang closing arguments at iskedyul ng hatol.
Nakadepende pa rin ang petsa ng desisyon sa pagkumpleto ng ebidensya at kalendaryo ng Senate impeachment court.
“Hayaan po natin na ang ebidensya at mga dokumento at testimonya, ‘yun pong manaig dito po sa bagay na ito dahil tungkol po sa ating lahat ito, ‘yun pong tipo ng lider na dapat mayroon po tayo sa Pilipinas sa kasalukuyan at sa hinaharap,” ani Ridon. /Bistado


