Nakapasok sa quarterfinals ng Hong Kong Open ang second seed na si Alexandra “Alex” Eala matapos talunin ang Czech na si Tereza Valentova, 6-4, 7-6(7), nitong Huwebes ng gabi sa outdoor hardcourt ng Victoria Park Tennis Stadium.
Susunod na hamon sa Pilipina ang Croatian na si Antonia Ružić, na nagpabagsak naman sa sixth seed na si Xinyu Wang ng China, 6-3, 4-6, 6-2.
Maglalaban sina Eala at Ružić sa Biyernes ng gabi para sa puwesto sa semifinals.
Tinalo muna ni world No. 17 Eala ang Australian na si Emerson Jones, 6-4, 6-3, sa first round.
Nakapasok si Jones sa main draw bilang lucky loser kapalit ng Amerikanang si Alycia Parks, na umatras sa torneo dahil sa injury sa kanang balikat.
Samantala, nakamit ng fourth seed na si Maria Sakkari ng Greece ang 4-6, 6-3, 6-3 panalo laban sa Australian na si Maya Joint upang makaharap si Aliaksandra Sasnovich, na nagpabagsak naman sa fifth seed na si Talia Gibson ng Australia, 6-1, 5-7, 7-6 (7).
Pinatalsik ng Amerikanang si Claire Liu ang No. 8 na si Katie Boulter ng Britain, 7-5, 6-4, upang itakda ang quarterfinal match kontra Turkish Zeynep Sönmez, na nanaig kay British Mika Stojsavljevic, 7-6 (5), 6-4.
Makakaharap naman ng Russian na si Alexandra Shubladze ang top seed na Romanian na si Sorana Cirstea.
Tinalo ni Shubladze ang kababayan na si Elena Pridankina, 6-7 (6), 6-1, 6-3, samantalang pinatalsik ni Cirstea ang Amerikanang si Mary Stoiana, 7-5, 6-1.
Kasabay ng Hong Kong Open ang Chennai Open sa India, na isa rin WTA (Women’s Tennis Association) 250 tournament.
Ito na ang huling dalawang torneo sa WTA Tour bago ang WTA Finals na magsisimula Nobyembre 8 sa Indian Wells, California, United States.
Ang walong manlalarong nagkuwalipika sa WTA Finals sa Indian Wells ay sina Elena Rybakina, Aryna Sabalenka, Mirra Andreeva, Coco Gauff, Jessica Pegula, Elina Svitolina, Karolina Muchova at Linda Noskova.
Ang huling event ni Eala para sa taong ito ay ang homecoming special na “Alex Eala Live: Game. Set. Celebrate.” kontra Indonesian Janice Tjen sa Philippine Arena sa Bulacan sa Disyembre 8.
Bago ang kanilang laban na nakatakda alas-tres ng hapon, magkakaroon muna ng juniors at celebrity matches na lalahukan ng boxing legend na si Manny Pacquiao.
Isang araw bago ang event, magkakaroon si Eala ng meet-and-greet activity kasama ang mga tagahanga.


