Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DOLE: Rider na nagpahinga sa delikadong init, bawal kaltasan

Bawal kaltasan ng kita o babaan ng rating ang delivery rider o drayber ng motorcycle taxi na nagpahinga, nagpalit ng ruta o nagkansela ng delivery dahil sa delikadong init, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Bawal ding bawasan ang insentibo, limitahan ang mga booking, o suspendihin o i-deactivate ang account ng rider dahil dito.

Sa Labor Advisory No. 22, series of 2026, inatasan ni Labor Secretary Francis Tolentino ang mga digital platform, kumpanya ng delivery at logistics, at iba pang saklaw na employer na suriin ang panganib sa bawat ruta. Dapat isaalang-alang ang heat index, tagal ng biyahe, kondisyon sa daan at kung saan may tubig at masisilungan.

Dapat ipaalam sa mga rider ang heat index at bigyan sila ng libreng tubig, malilim na pahingahan, oras para magpalamig, kagamitang pamproteksiyon at first aid. Kapag delikado na ang init, dapat bawasan, ilipat ng oras o pansamantalang ihinto ang mga delivery, depende sa heat index.

Kapag malubha ang sintomas ng rider, dapat siyang tulungan agad kahit hindi pa tapos ang delivery. Obligado ang mga kumpanya na maglaan ng 24/7 na tulong at madaling gamiting SOS.

Kailangan ding sanayin ang mga rider sa pag-iingat sa init, irehistro sila sa Social Security System (SSS), at itala ang mga pagkakasakit dahil sa init sa trabaho. Kung mauwi ang insidente sa pagkakaospital, permanenteng kapansanan o pagkamatay, dapat magsumite ng Work Accident/Illness Report (WAIR) sa DOLE regional office.

Maaaring maharap ang mga lalabag sa administratibong parusa at iba pang parusang itinakda ng batas. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles