Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DFA vs. Ombudsman: Remulla binara sa isyu ng visa, pasaporte

Binara ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Ombudsman Jesus Crispin Remulla matapos nitong kuwestiyunin ang kapangyarihan ng ahensya na mag-isyu ng Philippine visas at magmungkahi na ipasa sa pribadong kumpanya ang pagproseso ng mga aplikasyon.

Sa matapang na pahayag nitong Linggo, November 8, itinanggi ng DFA ang mga alegasyong ibinato sa programa sa radyo ng Office of the Ombudsman noong Sabado.

“The DFA’s visa-issuance authority is founded on law. It is neither derived from nor dependent upon delegation by the DOJ (Department of Justice),” giit ng ahensya.

Ayon sa DFA, malinaw na nakasaad sa Executive Order No. 292 o Administrative Code of 1987 at Vienna Convention on Consular Relations ang kapangyarihan ng mga Philippine consular office na mag-isyu ng visa.

Tinanggihan din nito ang mungkahing ipaubaya sa third-party service provider ang pagproseso ng visa, dahil maaari lamang tumulong ang pribadong kumpanya sa administrative work at hindi sa pag-apruba o pagtanggi sa aplikasyon.

“The authority to assess, approve or deny Philippine visas is a sovereign governmental function that cannot be transferred to a private entity through an outsourcing arrangement,” diin ng DFA.

Ugat ng bangayan ang pagtutol ni Remulla sa pagpapalawig ng 14-day visa-free entry program para sa mga Chinese national, na nagsimula noong January 2026 at magtatapos sa January 2027.

Nauna nang nagpahayag si Remulla ng pangamba sa mga Chinese tourist na umano’y hindi na umuuwi sa kanilang bansa. Inakusahan din niyang naging “business” ang pagproseso ng visa sa pamamagitan ng travel agency quotas.

Iginiit naman ng DFA na ipinatupad ang visa-free arrangement sa direktiba ng Pangulo para palakasin ang kalakalan, pamumuhunan, turismo at ugnayan ng Pilipinas at China.

Limitado lamang ito sa turismo at negosyo, may maximum na 14-araw na pananatili at hindi maaaring palawigin o gawing ibang uri ng visa.

Ayon sa DFA, dapat imbestigahan ng mga awtoridad ang mga posibleng paglabag, ngunit hindi ito awtomatikong patunay na ilegal ang programa o may katiwalian sa ahensya.

Nilinaw din nitong limang working days ang karaniwang pagproseso ng Section 9(a-1) business visa ng Chinese applicants kapag kumpleto ang dokumento at walang derogatory information.

Mariin ding itinanggi ng DFA ang alegasyong nag-iisyu ito ng mga pekeng pasaporte o sadyang nagpapahirap sa mga aplikante. Anila, nakabatay sa New Philippine Passport Act ang mga kinakailangang dokumento.

Hindi rin umano negosyo ang pag-iisyu ng pasaporte at visa dahil ang mga sinisingil ay opisyal na bayarin na napupunta sa kaban ng pamahalaan.

“The DFA categorically rejects the assertions made during the program that disregard its express statutory authority and attribute institutional impropriety to the Department without specific and verifiable evidence,” giit ng DFA. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles