Hinamon ni House impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers ang kampo ni Vice President Sara Duterte na sagutin ang mga financial records at ebidensyang iniharap ng prosekusyon sa impeachment trial, sa halip na umasa sa dami ng testigo at mahahabang argumento.
“Hindi dami ng testigo ang sukatan ng katotohanan. Ang mahalaga ay kung masasagot nila ang mga dokumento at numerong inilatag ng prosekusyon,” ani Barbers nitong Miyerkules, November 4.
Ayon kay Barbers, kailangang ipaliwanag ng depensa kung tugma ang mga idineklarang ari-arian, utang at kita ni Duterte sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) sa mga financial records na iniharap sa Senado.
Dapat din aniyang linawin kung sapat ang idineklarang kita para maipaliwanag ang naipong yaman ng Bise Presidente at kung naisama ang lahat ng negosyo at investments.
“Kung tama at malinis ang lahat ng transaksyon, dapat kayang ipaliwanag ang bawat numero. Hindi sapat ang pagtanggi o pagdududa sa mga dokumento. Kailangang sagutin ang mga ito ng malinaw, konkretong paliwanag at katibayan,” giit niya.
Nagbabala rin si Barbers laban sa procedural objections at mga hakbang na maaaring magpatagal sa paglilitis.
“May karapatan ang depensa na ipagtanggol ang kanilang kliyente, pero hindi dapat maging dahilan ang prosesong ito para takasan ang mga seryosong tanong na kailangang sagutin,” aniya.
Hinimok din niya ang mga senator-judge na suriin ang ebidensya nang patas at huwag magpadala sa political alliances.
“Ang impeachment trial ay hindi paligsahan ng kasikatan, kapangyarihan o political loyalty. Ito ay pagsusuri sa pananagutan ng isang mataas na opisyal ng gobyerno. Let the documents speak. Let the numbers be examined. And let the truth determine the outcome,” pagtatapos ni Barbers. /Bistado


