Nanumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sina Douglas Michael Mallillin bilang bagong chairperson ng Commission on Audit (COA) at Ma. Angela Ignacio bilang president at chief executive officer ng Maharlika Investment Corporation (MIC) nitong Martes, November 24.
Isinagawa ang magkahiwalay na panunumpa sa Malacañang.
Pinalitan ni Mallillin si Gamaliel Cordoba, na itinalaga namang associate justice ng Korte Suprema. Kinumpirma ng Commission on Appointments ang kanyang pagtatalaga noong Lunes.
Dating COA commissioner, abogado at certified public accountant si Mallillin. Pupunan niya ang natitirang termino ni Cordoba hanggang February 2, 2029. Kabilang sa kanyang mga plano ang paggamit ng artificial intelligence, data analytics at paperless systems para mas mabilis matukoy ang mga iregularidad sa paggastos ng gobyerno.
Sa Maharlika, pumalit si Ignacio kay Rafael Consing Jr. matapos makumpleto nito ang tatlong taong termino.
Bago ang pagtatalaga, nagsilbi siyang undersecretary sa Department of Finance at Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs.
Hawak niya sa DOF ang mga usapin sa government corporations, investments at strategic infrastructure. Naging governor din siya ng Board of Investments at commissioner ng Governance Commission for GOCCs. /Bistado


