Handang i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga maanomalyang alokasyon sa panukalang 2027 national budget, ayon sa Malacañang nitong Martes.
“Hindi po mag-aatubili ang Pangulo na i-veto ito, tanggalin ito sa budget kapag nakita maanomalya ito,” sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro.
Tugon ito sa pagsita ni Sen. Panfilo Lacson sa umano’y dobleng alokasyon para sa flood control at mga hinihinalang ghost multipurpose building.
Hinimok ni Castro si Lacson na isumite sa Department of Public Works and Highways ang kanyang mga natuklasan upang maberipika at maimbestigahan ang mga proyekto. Dapat din aniyang kasuhan ang mga sangkot kung may natukoy nang ghost projects.
Gayunman, sinabi niyang hindi awtomatikong nangangahulugang dalawang beses pinondohan ang iisang trabaho kapag may magkahiwalay na alokasyon. Posible aniyang para ang mga ito sa magkaibang yugto ng proyekto.
Samantala, tumanggi ang Palasyo na mag-ispekulasyon tungkol sa umano’y pribadong pag-uusap nina Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng budget insertions.
Sa iniulat na affidavit ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, pinagsabihan umano ni Marcos si Romualdez at pinag-isipang i-veto ang buong 2025 General Appropriations Act dahil sa P436 bilyong congressional insertions na iniugnay sa dating Speaker.
“Ang mahalaga dito, kung ano ba ang naging aksyon ng Pangulo noong nalaman niya na naiba halos ang proposed budget ng Ehekutibo,” ani Castro.
Sinabi niyang naglagay ng mga pananggalang sa pamamagitan ng special provisions na nagtatakda ng mga kondisyon bago maipatupad ang ilang proyekto. /Bistado


