Muling kumatok sa Court of Appeals (CA) ang CenterLaw Philippines upang madaliin ang pagresolba sa mga nakabinbing apela sa Maguindanao massacre, kasabay ng panawagang bigyan na ng bayad-pinsala ang mga naulilang pamilya.
Naghain si Atty. Gilbert Andres, executive director ng CenterLaw, ng 11-pahinang second motion for resolution noong November 23, 2026, sa ngalan ng 19 pamilya ng mga biktima. Kasabay ito ng ika-17 anibersaryo ng masaker.
Hinihingi sa mosyon ang agarang desisyon sa mga nakabinbing apela, kabilang ang usapin sa civil damages at opisyal na pagkilala kay photojournalist Reynaldo “Bebot” Momay bilang ika-58 biktima. Nauna nang naghain ng kahalintulad na mosyon ang grupo noong November 24, 2025.
“Every day of delay undermines public confidence in the administration of justice in cases of this magnitude such as the Maguindanao Massacre appeals,” nakasaad sa mosyon.
Pinaslang ang 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag at media workers, noong November 23, 2009 sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao.
Ayon sa CenterLaw, hindi pa kumpleto ang hustisya kahit nahatulan na ng Quezon City Regional Trial Court ang dose-dosenang sangkot noong December 19, 2019. Nananatiling nakabinbin ang mga apela hinggil sa hatol at parusa.
May mahahalagang personalidad din umanong sangkot sa pag-oorganisa ng masaker na hindi pa nahuhuli, habang ang iba ay namatay nang hindi nahaharap sa paglilitis.
Hindi naman natagpuan ang mga labi ni Momay. Ayon sa grupo, muling nabigyang-pansin ang paghahanap ng hustisya para sa kanya dahil sa pelikulang 58.
Iginiit ng CenterLaw na kailangang madaliin ang pagbibigay ng reparasyon dahil ilan sa mga naulilang kaanak ay matatanda na, mahihina ang katawan at may malulubhang karamdaman.
Kasama sa hinihingi nito ang kompensasyon para sa emosyonal at pangkabuhayang pinsala sa mga pamilya, at mga makabuluhang hakbang ng pamahalaan sa paggunita sa mga pinaslang.
Pinanagot din ng grupo ang estado sa kabiguang protektahan ang mga biktima at sa pagkakasangkot ng mga ahente nito sa masaker. Iginiit nitong kailangang tugunan ang mga armadong angkang politikal, pakikipagsabwatan ng mga nasa estado at patuloy na pagbabanta sa mamamahayag.
“We refuse to let the passage of time dilute the memory of those who were killed, nor will we allow bureaucratic delay to masquerade as the effective operation of a criminal justice system,” pahayag ng CenterLaw. “Seventeen years of waiting is inexcusable,” diin ng grupo. /Bistado


