Umusad sa Senate ethics committee ang reklamo laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa matagal niyang pagliban matapos itong ideklarang sapat sa porma at substansiya. Binigyan siya ng 15 araw mula sa pagtanggap ng abiso para sagutin ang mga alegasyon.
Ipinaalam ni committee chair Sen. Vicente “Tito” Sotto III ang pasya sa liham na may petsang October 22, kasunod ng executive session ng komite.
Inihain ng grupong Wag Kang KuCorrupt, na kinakatawan nina Cielo Magno, Atty. Barry Gutierrez at iba pa, ang reklamo dahil sa umano’y pagpapabaya sa tungkulin at pag-abuso sa pribilehiyo ng senador.
Unang inihain ang reklamo noong February 25, 2026 ngunit ibinalik noong May 4 dahil hindi nasunod ang mga rekisito. Nagsumite ang mga nagreklamo ng supplemental affidavits noong September 14 bago ito nakalusot sa pagsusuri.
Sinabi ni Sotto na magpapatawag siya ng pagdinig, ngunit nakaaapekto sa iskedyul ang deliberasyon sa budget at impeachment trial.
“I will call a hearing soon. Budget and impeachment just getting in the way,” ani Sotto.
Nagsimulang lumiban si Dela Rosa noong 2025 kasunod ng mga ulat tungkol sa arrest warrant ng International Criminal Court laban sa kanya kaugnay ng drug war noong administrasyong Duterte.
Muli siyang lumitaw sa Senado noong May 11 ngunit umalis sa kustodiya nito noong May 14 matapos ang insidente ng pamamaril sa compound. /Bistado


