Hindi pa naipapaliwanag ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang P817.87 milyon na umano’y unexplained wealth kahit anim na testigo na ang naiharap, ayon kay House lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.
“Ang sabi nga ng ibang kasamahan natin, hindi pa tumatama ang suntok,” ani Luistro sa post-trial briefing noong November 20.
Binanggit niya ang testimonya ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry tungkol sa Cale88 Foods Corp., isang banana chip exporter na dating bahaging pag-aari ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Luistro, hindi nasasagot ng pagkumpirma sa rehistrasyon at operasyon ng kompanya ang mga kinukuwestiyong transaksiyon at umano’y business interests ni Duterte habang nasa puwesto.
Nagharap ang prosekusyon ng bank records, corporate documents at forensic accounting findings bilang suporta sa alegasyon.
“Mukhang nililihis po ang issue,” ani Luistro.
Article II tungkol sa unexplained wealth na lamang ang natitira sa Senate impeachment court. Magpapatuloy ang paghaharap ng mga testigo ng depensa sa December 1. /Bistado


