Hindi pa natatapos ang negosasyon ng ASEAN at China para sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea, pero napagkasunduan na ang malalaking isyu, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Layunin ng COC na magtakda ng malinaw at may-bisang mga tuntunin sa pagkilos ng mga panig sa karagatan upang makatulong na maiwasan ang tensiyon.
Sa briefing matapos ang ASEAN Summit nitong Martes, November 17, sinabi ni Marcos na nasa 85% hanggang 90% na ang natatapos sa kasunduan, batay sa ulat ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro.
Inamin niyang hindi nakamit ang hangaring matapos ito habang Pilipinas ang namumuno sa ASEAN.
Kailangan pang linawin ang ilang termino, parirala at talata upang pare-pareho ang pagkaunawa ng lahat sa mga susunding patakaran.
Habang hindi pa pinal ang COC, sinabi ni Marcos na may di-tahasang pagkakasundo ang ASEAN at China na sundin muna ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea o DOC.
Pinagtibay noong 2002 ang DOC upang maiwasan ang tensiyon sa karagatan. Naglalaman ito ng mga pangako ngunit hindi ito legal na nagbubuklod, hindi tulad ng nilalayong COC.
“Until the COC is ready, until it is finalized, until it is signed by all parties – by ASEAN, by China – then we pledge to continue to follow on the DOC’s guidance,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, itutuloy ng ASEAN at China ang negosasyon para sa COC na naaayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nagtatakda ng mga karapatan at obligasyon ng mga bansa sa paggamit ng karagatan. /Bistado


