Na-repatriate na ang 48 overseas Filipino workers (OFWs) at dalawang dependent mula Riyadh, Saudi Arabia na ligtas na dumating sa Pilipinas noong November 16.
Lumapag sila sa NAIA Terminal 3 sakay ng Qatar Airways Flight QR934. Pinangunahan at pinondohan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang repatriation, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Binigyan sila ng kinakailangang tulong, kabilang ang medical assistance mula sa MIAA Medical Team. Naglaan din ang OWWA ng arrival assistance at pansamantalang matutuluyan bago sila umuwi sa kani-kanilang pamilya.
Ayon sa OWWA, nagpapatuloy ang koordinasyon sa DMW upang maiuwi ang iba pang OFW na naapektuhan ng sitwasyon sa Saudi Arabia.
Bahagi ang repatriation ng UPLIFT Program para sa proteksyon, ligtas na pagbabalik at reintegrasyon ng mga OFW na apektado ng krisis. /Bistado


