Inaprubahan ng House Committee on Health ang panukalang mag-alis ng indoor smoking at vaping areas, magpalawak ng mga lugar na bawal ang yosi at vape, at magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga lalabag.
Ayon sa Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD), inaprubahan noong November 11 ang Smoke-Free and Vape-Free Environment Bill sa komiteng pinamumunuan ni Manila Rep. Giselle Mary Maceda. Hindi pa ito batas.
Layunin ng House Bill 9603, na inakda ni Albay Rep. Krisel Lagman at iba pang mambabatas, na protektahan ang publiko laban sa secondhand smoke at vape aerosol sa mga pampublikong lugar at trabaho, lalo na sa mga pinupuntahan ng mga bata.
Pinuri ni PLCPD executive director Au Quilala ang pag-apruba kasabay ng National Children’s Month. Ang PLCPD ang convener ng Child Rights Network.
Nakabatay ang panukala sa RELATE framework, na humango sa mga ordinansa at karanasan ng Baguio, Iloilo at Davao sa pagpapatupad ng smoke-free at vape-free environments.
Saklaw nito ang pag-aalis ng indoor designated smoking and vaping areas at pagtatakda ng pare-parehong pamantayan para sa mga outdoor area.
Palalawakin din ang smoke-free at vape-free zones, maglalaan ng lokal na health budget para sa tobacco control, at bubuo ng mga task force laban sa paninigarilyo at vaping.
Kasama rin ang pagkilala sa mahusay na pagpapatupad ng mga lokal na pamahalaan at pagpapabigat ng parusa upang palakasin ang pagsunod sa batas.
Ayon sa PLCPD, layunin nitong magkaroon ng iisang pambansang pamantayan at nakalaang pondo alinsunod sa Framework Convention on Tobacco Control, na kinabibilangan ng Pilipinas.
Binanggit ng grupo ang 2024 Global Youth Tobacco Survey, kung saan anim sa bawat 10 estudyanteng Pilipino na edad 13–15 ang nalalantad sa secondhand smoke sa mga pampublikong lugar.
Tinukoy rin nito ang Global Burden of Disease study na inilathala sa The Lancet Public Health, na nag-ugnay sa secondhand smoke exposure sa 1.66 milyong pagkamatay sa buong mundo noong 2023.
“Through this national legislation, we want to de-normalize smoking and vaping by ensuring that the government itself sets the example in providing healthier public spaces for all,” ani Quilala.
“It’s time for the whole of Congress, especially the Senate, to take a stand for public health – not by asking the public to avoid exposure to harmful cigarette smoke and vape emissions, but by creating environments that protect the many while fostering healthier behaviors among the smoking few,” dagdag niya. /Bistado


