Pinatalsik ng University of Santo Tomas sa playoffs ang Ateneo de Manila University matapos magwagi, 89-84, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City nitong Linggo.
Pinaganda ng Growling Tigers ang kanilang kartada sa 7-6 matapos makamit ang ikatlong sunod na panalo. Kalahating laro na lamang ang agwat nila sa No. 3 Far Eastern University Tamaraws at De La Salle University Archers, na kapwa may 7-5 rekord.
Pasok na sa susunod na round ang National University at University of the Philippines, na kapwa may 9-3 kartada. Gayunman, bukas pa rin ang labanan para sa twice-to-beat advantage na nakalaan sa top two.
Sa isa pang laro, sinibak din ng defending champion Archers sa playoffs ang Adamson University Falcons matapos magwagi, 84-69.
“Every single game is a do-or-die for us and it shows in the way we play, we match the energy, at some point we’re giving more energy than Ateneo,” ani UST assistant coach Peter Martin.
Nanguna para sa UST si Collins Akowe na nagtala ng 16 puntos at kumolekta ng siyam na rebounds sa loob ng 34 minutong paglalaro.
Nabawasan sa dalawa ang dating 13 puntos na kalamangan ng Growling Tigers, 76-74, may limang minuto at 34 segundo pang natitira sa laro.
Nanatiling dikit ang Ateneo sa 81-78, may 2:38 minuto pa sa orasan, hanggang makapuntos si Mark Llemit matapos tawagan ng goaltending violation si Sultan Baruwa. Sinundan ito ng three-pointer ni Amiel Acido may 34.2 segundo pa ang nalalabi upang tuluyang selyuhan ang panalo ng UST.
Dahil sa ikaapat na sunod na pagkatalo, tuluyan nang nalaglag ang Ateneo, kasama ang Adamson, sa playoff race. Pareho silang may 5-8 kartada.
Hindi nakapaglaro ang nangungunang rookie ng Ateneo na si Kieffer Alas dahil sa allergic attack, habang nagsilbi naman ang kanyang amang si coach Louie Alas sa ikalawang ng kanyang dalawang larong suspensyon.
Makakaharap ng UST ang Adamson, habang tatapusin naman ng Ateneo ang kampanya nito kontra sa kulelat na University of the East (1-12) sa Nobyembre 25.
Sa women’s division, pinataob din ng defending champion UST ang Ateneo, 87-80, upang mapanatili ang malinis nitong rekord na 12-0.
Makakaharap ng Tigresses ang Season 88 runners-up na National University Lady Bulldogs sa Nobyembre 22, ang una sa kanilang huling dalawang laro sa elimination round.
Makakamit ng Tigresses ang awtomatikong puwesto sa finals kung wawakasan nila ang elimination round nang walang talo.
Naputol ang tatlong sunod na panalo ng Blue Eagles matapos bumagsak sa 6-6 kartada. Nakatabla nila sa ikaapat na puwesto ang FEU Lady Tamaraws.
The scores:
First Game
LA SALLE 84 – J. Cortez 15, Pablo 14, Macalalag 12, Tovera 11, Amos 7, Agunanne 7, Gagate 6, Marasigan 5, Abadam 5, M. Cortez 2, Dungo 0, Sardon 0.
ADAMSON 69 – Torres 14, Anabo 14, Montebon 11, Pacquiao 9, Tumaneng 6, Perez 5, Cañete 3, Jonah 2, Demisana 2, Mangaron 2, Barcelona 1, Medina 0, Erolon 0, Cruz-Dumont 0, Edding 0.
Quarters: 25-15; 48-26; 69-50; 84-69
Second Game
UST 89 – Llemit 20, Acido 19, Akowe 16, Jumawan 13, Buenaflor 12, Cañete 5, Manding 2, D. Sevilla 0, Porter 0, Chio 0.
ATENEO 84 – Bahay 17, Espina 16, Bongo 11, Baruwa 11, Tuano 10, Rogers 7, Roberts 6, Espinosa 2, Kapihe 2, Cainglet 2, Urbina 0.
Quarters: 20-23; 50-39; 69-60; 89-84


