Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Kaliwa’t kanang pag-aresto, isinagawa ng PNP kasabay ng pagbubukas ng ASEAN Summit

Daan-daang raliyista ang dinakip sa Muntinlupa at Maynila, habang mga mamamahayag ang inaresto at hinaras umano kasabay ng pagbubukas ng 49th ASEAN Summit nitong Linggo, November 15.

Nasa 300 ang hinuli sa Muntinlupa ayon sa mga organizer. Sa Maynila, umabot sa 11 ang iniulat na naaresto.

Nagtala naman ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ng hindi bababa sa 22 mamamahayag na nag-ulat ng harassment, kabilang ang pag-aresto at tangkang pag-aresto.

Tutol ang mga demonstrador sa pagbisita ni US President Donald Trump, US-led Pax Silica initiative at Luzon Economic Corridor dahil sa pangamba sa epekto ng mga ito sa soberanya, lupa at kabuhayan ng mga komunidad.

Sa Muntinlupa, dinispers ang Lakbayan ng Timog Katagalugan sa Sucat People’s Park at kalapit na kalsada bandang alas-dos ng hapon. Nagsimula sa Laguna noong November 12 ang martsa at patungo sana sa Liwasang Bonifacio.

Ayon sa mga organizer, may mga kalahok na kinaladkad at sapilitang isinakay sa mga sasakyan ng pulisya. Binasag din umano ng mga awtoridad ang salamin ng convenience store kung saan nagtago ang ilang delegado.

Kabilang sa mga hinuli ang mga manggagawa, magsasaka, katutubo, estudyante at mamamahayag.

Inihahanda ng pulisya ang mga kasong illegal assembly at public disturbance. Tatlong trak ng PNP ang nagdala sa mga hinuli sa Camp Bagong Diwa sa Taguig. Ayon sa SPD, dinala sa ospital ang mga nawalan ng malay.

Sa Maynila, nauwi sa tulakan at pagdakip ang pagharang sa mga nagmartsa mula Liwasang Bonifacio patungong Philippine International Convention Center sa Pasay, pangunahing venue ng summit.

Dalawang raliyista ang iniulat na nasaktan, kabilang ang isang nagsabing hinampas siya ng riot shield sa ulo.

Inakusahan ni Kilusang Mayo Uno chairperson Jerome Adonis ang mga pulis na binutas ang gulong ng kanilang trak at kinuha ang L300 na may sound system, pagkain at tubig matapos hilahin ang drayber nitong miyembro ng PISTON.

May raliyista ring nawalan umano ng malay matapos bugbugin. Ayon kay Adonis, isinakay ito sa police mobile patungong Manila Police District kahit nais muna siyang matingnan ng kanilang mga medic.

Kinondena ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang pagpasok at paghabol ng pulisya sa mga raliyista sa loob mismo ng Liwasang Bonifacio, isang freedom park.

Iginiit naman ng NCRPO na kailangan ng permit sa labas ng freedom parks at hindi papayagang malapitan ng mga raliyista ang summit venue.

“We will not compromise the security of the summit, our foreign delegates and the general public,” ani NCRPO chief Brig. Gen. Christopher Abrahano.

Tiniyak din niyang iimbestigahan ang mga alegasyon ng maling pag-aresto, ilegal na dispersal at pang-aabuso.

Sa media, binanggit ng NUJP ang campus journalists mula UPLB Perspective, UPLB The Staple, Philippine Collegian at CCC The Sentinel na nagko-cover sa Sucat. 

Sa Liwasang Bonifacio, tinangka umanong arestuhin ang dalawang staff ng Tinig ng Plaridel at isang staff ng Altermidya.

Iniulat naman ng UPLB Perspective na nahirapang makapasok sa detention facility ang mga abogado, kaanak at human rights responders. Nanawagan ang Karapatan na tiyakin ang access ng mga dinakip sa abogado, pamilya at serbisyong medikal.

Hiningi ng Altermidya ang agarang pagpapalaya sa mga dinakip na mamamahayag at raliyista, paglilinaw sa kanilang kinaroroonan at ligal na kalagayan, at independiyenteng imbestigasyon sa mga alegasyon ng pang-aabuso.

“Security preparations for an international gathering do not suspend constitutional rights,” giit ng Altermidya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles