Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magtulungan para maibsan ang epekto ng mahal na pagkain at langis at maprotektahan ang trabaho at seguridad ng mga Pilipino.
“Marami sa mga problemang ito ay hindi natin kayang solusyunan nang mag-isa, kaya’t napakahalaga ng ASEAN,” ani Marcos sa vlog na inilabas nitong Huwebes, November 12.
Ayon kay Marcos, bilang punong-abala sa ika-49 na ASEAN Summit, may pagkakataon ang Pilipinas na unahin sa talakayan ang suplay ng pagkain at enerhiya, agrikultura at kabuhayan. Mahalaga rin aniya ang ASEAN sa pagprotekta sa mga Pilipinong nagtatrabaho, nagnenegosyo o naglalakbay sa rehiyon.
Ayon sa Pangulo, marami sa mga napiling supplier para sa summit ay maliliit na negosyo. Bukod sa mga hotel at transportasyon, nakikinabang ang mga manghahabi, mananahi, tagagawa ng pagkain at souvenir, at mga artistang kalahok sa mga pagtatanghal.
Kinilala ni Marcos na maaaring magdulot ng pansamantalang abala ang summit sa ilang lugar. Nagpasalamat siya sa mga manggagawa at negosyong tumutulong sa paghahanda at nanawagan sa mga komunidad na salubungin ang mga bisita. /Bistado


