Nakatakdang maglaro sa unang pagkakataon para sa Gilas Pilipinas ang bagong naturalized player na si Bennie Boatwright, habang nagbabalik naman sa national team si Rhenz Abando sa pagpapatuloy ng kampanya ng Pilipinas sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers Window 5 sa Seremban, Malaysia.
Makakaharap ng Gilas ang Syria sa ganap na alas-8 ng gabi sa Nobyembre 27 at ang Iran sa alas-5 ng hapon sa Nobyembre 29. Dahil sa krisis sa Middle East, inilipat sa Malaysia ang venue ng mga laro.
Papalitan ng 6-foot-10 na si Boatwright ang injured naturalized player na si Justin Brownlee, habang muling maglalaro para sa national team si Abando sa unang pagkakataon mula noong 2023 FIBA World Cup sa Maynila.
Kasama rin sa lineup sina Quentin Millora-Brown at Mike Phillips, at ang mga regular na miyembro na sina Scottie Thompson, Chris Newsome, CJ Perez, Dwight Ramos, AJ Edu, Kevin Quiambao, Juan Gomez de Liaño at Kai Sotto.
Nakatakdang bumiyahe patungong Malaysia ang Gilas sa Nobyembre 21.
Hindi makakalaro sa Window 5 sina Calvin Oftana at Carl Tamayo.
“His (Oftana) wife is delivering at the end of the month or around that time. He begged off that he couldn’t make it,” pahayag ni Gilas coach Tim Cone hinggil sa forward ng TNT. “But he’s part of the original group..”
Samantala, nagpapagaling naman sa ankle sprain ang 6-foot-7 na si Tamayo.“His (Tamayo) sprain this time is worse than it was when he got sprain in the (fourth) window. And he was out four to five weeks,” ani Cone. “It took him a long time, and that was four or five weeks before he started his rehab.”
Nasa ikalimang puwesto ang Pilipinas sa Group E taglay ang 4-4 kartada, isang panalo lamang ang layo sa Iran at Jordan na kapwa may 5-3 rekord.
Nangunguna sa grupo ang Australia na hindi pa natatalo (8-0), kasunod ang New Zealand na may 6-2 kartada.
Hangad ng Nationals na ipagpatuloy ang magandang momentum matapos walisin ang mga home game kontra Jordan at Iran noong Agosto, upang mapanatiling buhay ang pag-asang makapasok sa World Cup.


