Patay si Judge Joseph Wee Sit ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 sa Isabela City, Basilan matapos siyang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo habang papunta siya sa pantalan ng Zamboanga City nitong Huwebes, November 12.
Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pagpaslang.
“Isa itong tahasang pag-atake laban sa paghahari ng batas at sa kalayaan ng hudikatura,” anang IBP.
Ayon sa Zamboanga City Police Office (ZCPO), mag-isang nagmamaneho si Wee Sit sa Tumaga-Putik Road sa Barangay Tumaga nang paputukan siya bandang alas-5:25 ng umaga. Sasakay sana siya sa unang biyahe ng barko papuntang Isabela City.
Limang butas ng bala ang nakita ng mga imbestigador sa gilid ng sasakyan, sa panig ng drayber. Isinugod sa ospital ang hukom at idineklarang patay bandang alas-6:30 ng umaga.
Tinutugis ng pulisya ang mga suspek. Bumuo ang ZCPO ng espesyal na task group para sa kaso. Sinusuri na ng mga imbestigador ang mga kuha ng CCTV malapit sa pinangyarihan ng pamamaril.
Hiniling ng IBP sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensya na bigyan ng pinakamataas na prayoridad ang kaso. Bukod sa mga bumaril, nais ng grupo na matukoy, madakip at mapanagot ang “sinumang nag-utos, nagplano, nagpondo, tumulong, o nagkubli sa krimeng ito.”
Nanawagan din ang IBP na higpitan ang seguridad ng mga hukom at kawani ng korte, lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib.
“Hindi maaaring maging kapalit ng tapat na paglilingkod sa katarungan ang panganib sa buhay,” saad ng IBP. /Bistado


