Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

UP Law ’76, may baong panalo kontra dinastiya sa golden jubilee

Kambal na tagumpay ang bitbit ng UP Law Class of 1976 sa kanilang homecoming ngayong Biyernes. 

Una, limampung taon na mula nang magtapos ng abogasya ang magkaklase. Higit doon, sa taon mismo ng kanilang golden jubilee, nanalo sa Korte Suprema ang petisyon ng apat sa kanila na sabihan ang Kongreso na magpasa ng batas kontra dinastiya sa pulitika.

Noong 1976, lahat ng kumuha ng Bar exams mula sa kanilang klase ay pumasa. Sa batch din nila napunta ang una at ikawalong puwesto.

Makalipas ang halos limang dekada, isang petisyon naman ang sinuportahan ng batch. Noong March 19, 2024, dumulog sa Korte Suprema sina Wilfredo M. Trinidad, Rico V. Domingo, Jorge L. Cabildo at Ceasar G. Oracion. Hiniling nilang utusan ang Kongreso na tuparin ang tungkulin nito sa ilalim ng 1987 Constitution. Dininig ang kaso nila, G.R. No. 272370, kasama ng tatlo pang petisyon.

Habang nakabinbin ang kaso, naghanda sina Trinidad at Domingo ng presentasyon para sa “Political Dynasties: Biyaya o Parusa?” Idinaos ng Institute of Government and Law Reform ng UP Law Center ang forum noong May 24, 2024 sa Malcolm Theater sa Quezon City. Ipinaliwanag doon ni dating election commissioner Rene Sarmiento, miyembro ng 1986 Constitutional Commission, kung paano nabuo ang probisyon kontra dinastiya.

Mula Quezon City, umabot sa Baguio ang talakayan. Ayon sa mga petitioner, si Oracion ang nag-organisa ng ikalawang symposium noong February 2025 sa Saint Louis University, kung saan dati siyang dekano ng kolehiyo ng batas.

Sa 86-pahinang desisyong may petsang August 26, 2026, na isinulat ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, nagkaisa ang mga mahistrado na tungkulin ng Kongreso, sa ilalim ng Artikulo II, Seksiyon 26 ng Saligang Batas, na magpasa ng batas kontra dinastiya. Ayon sa Korte, grave abuse of discretion ang 39 na taong pagkabigo ng Kongreso na gawin ito.

Mayorya ang bumoto para ibigay ang hinihinging mandamus. Inutusan ng Korte ang Kongreso na ipasa ang batas sa pinakamaagang pagkakataon. Nasa mga mambabatas pa rin ang pagpapasya kung paano tutukuyin ang isang dinastiya sa politika at kung sino ang saklaw ng pagbabawal.

Ngayong Biyernes, November 13, pararangalan ng UP Law Alumni Association ang Class of 1976 bilang Golden Jubilarians. Sa pangunguna ng kanilang pangulong si Atty. Victoria Delos Reyes, nagpasalamat ang magkaklase sa pagkilala.

“Pamana at Panata” ang tema ng UP Law Grand Alumni Homecoming na pangungunahan ng Class of 2001, ang Silver Jubilarians ngayong taon. Magsisimula ang pagtitipon alas-5:30 ng hapon sa Grand Ballroom ng Shangri-La The Fort sa Bonifacio Global City, Taguig. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles