Sa loob lang ng tatlong linggo, P1.42 bilyon ang nadagdag sa pinsala ng El Niño sa agrikultura. Mula P8.57 bilyon, umakyat ang halaga sa P9.99 bilyon nitong November 11, ayon sa Department of Agriculture (DA). Apektado na ang 324,327 magsasaka.
Mais ang pinakamatinding tinamaan. Umabot sa P5.63 bilyon ang halaga ng nawalang mais at P3.65 bilyon naman sa palay. Sa dalawang pananim pa lang, halos 93% na ng kabuuang pinsala ang naitala.
Sa 323,419 ektarya ng apektadong sakahan, may pag-asa pang makabawi ang mga pananim sa 248,129 ektarya. Sa natitirang mahigit 75,000 ektarya, wala nang maaasahang ani ngayong taniman.
Umabot sa 288,424 metriko tonelada ang nawala sa produksyon. Tinamaan din ang kamoteng kahoy at iba pang pananim. Sa mga alagang hayop at manok, 8,098 ang namatay, na nagkakahalaga ng P40.83 milyon.
Ayon sa DA, umabot na sa P18.64 bilyon ang tulong at mga programang inilunsad nito. Kabilang dito ang pamimigay ng binhi, pataba at alagang hayop, tulong-pinansyal, bayad mula sa crop insurance, suporta sa irigasyon at cloud seeding.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), napakalakas na ng El Niño sa tropikal na Pasipiko. Posibleng umabot ito sa rurok ng lakas bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027. /Bistado


