Tinuldukan ng Ginebra ang kampanya ng kapatid na koponan na San Miguel Beer matapos dominahin ang fourth quarter, 34-14, tungo sa 110-94 panalo na naghatid sa Gin Kings sa semifinals ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ynares Center Antipolo nitong Martes.
Nagtala si Jordan Murphy ng 31 puntos at 11 rebounds; kumana si Scottie Thompson ng 29 puntos, walong rebounds at limang steals; nagdagdag si RJ Abarrientos ng 19 puntos, limang assists at apat na rebounds; habang nag-ambag si Nard Pinto ng siyam na puntos, dalawang steals, isang assist at isang rebound sa do-or-die Game 5 ng kanilang quarterfinal series.
Lalong naging mahirap ang sitwasyon ng San Miguel nang ma-foul out ang import nitong si George King may limang minuto at 13 segundo pang nalalabi sa laro. Mula noon, tuluyan nang nakontrol ng Ginebra ang laban.
Nagsimula ang Ginebra sa dalawang sunod na panalo sa serye, 104-95 at 126-99, ngunit gumanti ang SMB sa pamamagitan ng 101-99 at 108-102 victories upang maipuwersa ang deciding game.
Ikalawang sunod na conference na hindi makakalaro sa Final Four ang Beermen.
Sunod na makakaharap ng Ginebra ang defending champion na TNT, sa rematch ng Commissioner’s Cup finals na pinagwagian ng Gin Kings.
Naghihintay naman ang resident import ng TNT na si Rondae Hollis-Jefferson upang muling palakasin ang Tropang 5G.
Sa kabilang semifinal series, maghaharap ang NLEX at Converge.
Magsisimula sa Disyembre 4 ang best-of-five semifinals matapos muling pansamantalang ihinto ng PBA ang liga para bigyang-daan ang mga laban ng Gilas Pilipinas kontra Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa Nobyembre 29 sa FIBA 2027 World Cup qualifiers.
Gaganapin ang mga naturang laban sa Seremban, Malaysia dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Nasa ikalimang puwesto sa Group E taglay ang 4-4 kartada, palalakasin ang Gilas ni naturalized player Bennie Boatwright na papalit sa injured na si Justin Brownlee.
The scores:
GINEBRA 110 – Murphy 31, Thompson 29, Abarrientos 19, Pinto 9, J.Aguilar 7, Holt 5, Rosario 4, Cu 3, Go 3, Gray 0.
SAN MIGUEL 94 – King 31, Fajardo 20, Perez 15, Trollano 10, Ahanmisi 9, Lassiter 4, Teng 3, Ross 2, Brondial 0, Tautuaa 0.
Quarters: 26-20; 49-57; 76-80; 110-94


