Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Nobyembre, turn na ng depensa na magharap ng mga testigo. Pero bakit ganoon, prosekusyon pa ang nagpapasalamat sa mga testigong ito?
“Akala ko nga testigo namin yun,” sabi ni Rep. Joel Chua matapos ang testimonya ni Atty. Suzette Balucanag-Punay noong Nobyembre 11.
Masakit ang banat. Pero kapag sariling testigo ang hindi makapagpatunay sa mahahalagang bahagi ng inyong paliwanag, kusa n’yong binibigyan ng panibagong itatanong ang kalaban.
Sa lupa sa Samal, Matanos ang nasa titulo at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Duterte. San Isidro naman ang nasa deed of sale at tax mapping ng ari-ariang nakapangalan kay Manases Carpio. Nakatala ring 2013 ang acquisition year sa SALN, samantalang Marso 15, 2018 ang acknowledgment sa deed.
Sa cross-examination, hindi matiyak ng witness na si City Assessor John Kenneth Enumerables kung iisang lupa ang tinutukoy. Ipinaliwanag ni Presiding Officer Francis Escudero na walang title number sa SALN. Kalaunan, sinabi ng assessor na iisa ang lupa batay sa kanyang karanasan at opisyal na rekord.
Pero ang dokumentong magpapatunay sa acquisition noong 2013, wala siyang dala. Kailangan pa raw niyang tingnan ang kanilang records.
Testigo ang naiharap. Ang patunay sa petsang ipinagtatanggol, saka pa hahanapin.
P64,194.72 namang sahod ang tangkang ipaliwanag ni Davao City Accountant Vingelin Bajan. Natanggap ni Duterte ang bayad noong 2023, habang bise presidente na siya. Ayon sa testigo, salary differential iyon para sa kanyang serbisyo bilang mayor noong 2020 at 2021. Nagharap siya ng payroll records at ng voucher.
Pero nang ipatukoy ni Sen. Raffy Tulfo ang dokumentong naging sanhi ng pagkaantala, hindi niya masagot. Sa City Mayor’s Office niya itinuro ang delay. Hindi raw siya ang nag-evaluate ng mga papeles.
Tungkol sa sulat-kamay na pagbabago sa voucher, sinabi niyang itinama iyon habang pinoproseso noong Disyembre 30, 2022. Wala rin daw suspension o disallowance mula sa Commission on Audit.
Pero ang paliwanag sa pagkaantala ay dapat mas tiyak kaysa pagturo sa ibang opisina. Kung kulang na requirements ang dahilan, pangalanan ang kulang. Doon nakasalalay kung nasasagot ng paliwanag ang tanong.
Pati sariling pirma ni Bajan sa dating accounting partnership, kinailangan pang ulit-ulitin ang tanong bago niya kinilala. Umalis siya sa firm noong 2015, bago ang mga audit na tinukoy sa mga kumpanyang iniuugnay sa pamilya Duterte. Tungkol naman sa sarili niyang papel at pirma, dapat diretso ang sagot.
Kay Punay, mas malinaw ang kakulangan.
Wala raw shares si Duterte sa GenCorp mismo, pero namuhunan siya sa Jollibee Times Square branch. Magkaibang interes ang dalawang iyon. Kinumpirma rin ni Punay ang mahigit P2.14 milyong ibinayad kay Duterte noong 2022 hanggang 2025, na inilarawan niyang return of capital.
Nang hanapin ni Escudero ang orihinal na halaga ng investment, hindi niya matiyak. Wala raw nakasulat na rekord para sa puhunan.
Nailista ang mga ibinalik. Pero ang halagang pinagmulan ng mga ibinalik, hindi mapatunayan ng testigong nagpapaliwanag ng transaksyon.
Kahit sinong sumusubaybay siguro sa impeachment trial na ito, napapabuntong-hininga na lang. Depensa, ayusin n’yo naman. Kung return of capital ang paliwanag, ilabas ang rekord ng capital. Hindi obligasyon ng korte ang hulaan ang hindi matiyak ng sarili n’yong testigo.
Para kasing makasasama pa sa bise itong mga testigo n’yo. Weakness, hindi witness kumbaga. /Bistado


