Umabot sa 1,562 pulis ang sinibak sa serbisyo habang 4,180 iba pa ang pinatawan ng iba’t ibang parusa sa pinaigting na internal cleansing ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa administrative records ng PNP mula August 26, 2025 hanggang November 4, 2026, nasa 5,002 kaso ang naresolba at 5,742 tauhan ang naparusahan.
Bukod sa mga sinibak, 2,748 pulis ang sinuspinde, 838 ang pinagsabihan at 279 ang ibinaba sa ranggo. Ang iba naman ay pinatawan ng salary forfeiture, restriction at pagkawala ng ilang pribilehiyo.
Sa mga tinanggal sa serbisyo, 931 ang sangkot sa absence without official leave (AWOL), 141 sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga, 70 sa robbery o extortion, at 216 sa iba pang mabibigat na paglabag.
May mga kaso rin ng paglabag sa batas at mga pagkakasalang laban sa kapwa.
Ayon sa PNP, bahagi ang malawakang pagpaparusa sa kampanya laban sa korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan at iba pang katiwalian sa hanay ng kapulisan.
Tiniyak din ng PNP na dadaan sa tamang proseso ang mga kasong administratibo at ibabatay sa ebidensya ang pagpapataw ng parusa. /Bistado


