Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pork importation ban, posibleng palawigin

Posibleng lumampas sa 60 araw ang pagbabawal sa pag-angkat ng baboy sa bansa para protektahan ang mga lokal na magbababoy na nalulugi dahil sa pagdagsa ng imported pork.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Lunes, November 9, maaaring pahabain ng Department of Agriculture (DA) ang importation ban kung kinakailangan, basta hindi magkukulang ang suplay o tataas nang husto ang presyo ng baboy ngayong papalapit ang Pasko.

Sakop ng pansamantalang pagbabawal ang fresh at frozen pork cuts, carcasses at edible offal. Magkakabisa ito kapag naglabas ng implementing order ang Bureau of Customs o 15 araw matapos mailathala sa dalawang pahayagan, alinman ang mauna.

Batay sa paunang imbestigasyon ng DA, nalugi ng P27.9 bilyon ang lokal na industriya ng baboy sa unang pitong buwan ng 2026 dahil sa pagdagsa ng imported pork. Posible pa umano itong umabot sa P55.8 bilyon bago matapos ang taon.

Lumobo rin ng 42 porsiyento ang pork imports mula 589,675 metric tons noong 2023 sa 836,240 metric tons noong 2025.

Dahil sa sobrang suplay, bumagsak ang average farmgate price ng baboy mula P198.30 kada kilo noong 2025 sa P175.75 sa unang kalahati ng 2026. May ilang magbababoy pang napilitang magbenta sa halagang P120 kada kilo.

Bukod sa importation ban, nais din ng DA na itaas ang taripa sa imported pork mula 15 sa 30 porsiyento para sa in-quota shipments at mula 25 sa 40 porsiyento para sa out-quota imports.

Dadalhin din ang usapin sa Tariff Commission para pag-aralan kung kailangan ng mas pangmatagalang proteksyon sa lokal na industriya.

Gayunman, hindi inaasahan ng DA na biglang sisipa ang presyo ng baboy ngayong holiday season dahil mataas pa ang kasalukuyang imbentaryo.

Sa Metro Manila, nasa P300 kada kilo ang pork ham at P370 ang pork belly, habang P230 ang frozen kasim at P290 ang frozen liempo, batay sa price monitoring noong November 8. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles