Kailangang muling magparehistro ang humigit-kumulang 2.9 milyong may hawak ng persons with disabilities (PWD) ID sa loob ng tatlong taong transition period para mailipat sa bagong Unified PWD Identification System (UPWDIS), kahit hindi pa expired ang kanilang kasalukuyang ID.
Ayon sa National Council on Disability Affairs (NCDA), layunin ng bagong sistema na sugpuin ang paggamit ng pekeng PWD IDs at mapabilis ang pagkuha ng mga benepisyo at diskuwento ng mga lehitimong PWD.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 001, series of 2026, may tatlong taong transition period para mailipat ang mga rekord sa UPWDIS at unti-unting palitan ang mga lumang ID.
Batay sa datos ng NCDA hanggang October 21, may 3.3 milyong rehistradong PWD sa bansa, ngunit 2.9 milyon lamang ang gumagamit ng PWD IDs.
Pwedeng magtungo ang mga PWD sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO) o City o Municipal Social Welfare and Development Office ng kanilang lokal na pamahalaan.
Hindi na kailangang kumuha ng bagong medical certificate ang mga may valid at hindi pa expired na PWD ID. Gayunman, maaaring muling suriin ang kanilang mga dokumento kung may nakitang kuwestiyonableng impormasyon.
Para naman sa mga unang beses na magpaparehistro na may non-apparent disability, kailangan ng Certificate of Disability mula sa lisensiyadong doktor o espesyalista.
Kapag naaprubahan ang registration, maaari nang ibigay ang digital ID na may unique identification number at QR code para madaling masuri kung tunay ito. Pwede ring humiling ng printed ID.
Hindi na kailangang mag-renew ng ID ang mga PWD na may permanent disabilities dahil panghabambuhay ang bisa nito.
Samantala, kailangang sumailalim sa revalidation kada limang taon ang mga may non-apparent disabilities, kabilang ang ilang kondisyon na hindi agad nakikita, gaya ng mental at psychosocial disabilities.
Tiniyak ng NCDA na hindi basta-basta maaaring suspindihin o ipagkait ang benepisyo ng isang PWD nang walang due process.
Ayon kay NCDA Executive Director Glenda Relova, maaaring ipasuri sa mga doktor ang mga kuwestiyonableng disability certificate bago maglabas ng bagong ID.
“Usually those that are faked are the nonapparent disabilities. The PDAO uploads the disability certificates [into the system]. And if they have doubts, they can just set aside the data and hold the release of the ID,” ani Relova.
Maaaring maharap sa kasong falsification of public documents ang mga gumagamit ng pekeng PWD IDs, habang posibleng masibak sa serbisyo o makasuhan ang mga opisyal ng gobyernong sangkot sa ilegal na pag-iisyu ng mga ito.
Nilinaw naman ng NCDA na wala pang napaparusahan sa mga kasong sinusubaybayan nito, bagaman may mga reklamong dumaraan na sa legal na proseso. /Bistado


