Nalampasan ni Alexandra “Alex” Eala ang mahigpit na hamon mula sa Croatian na si Antonia Ruzic upang makapasok sa semifinals ng Hong Kong Tennis Open, 7-6(7), 7-5, Biyernes ng gabi.
Sa unang set, naulit ang naging resulta ni Eala sa tie-break laban kay Tereza Valentova ng Czech Republic sa quarterfinals. Nanguna siya sa tie-break, 5-0, ngunit muntik pa itong maagaw sa kanya. Gayunpaman, nagawa niyang makuha ang unang set.
Nagpakita rin siya ng matinding paglaban sa ikalawang set, kung saan nanguna pa si Ruzic sa 5-4 matapos ang pagkaantala ng laro dahil sa ulan. Ngunit nakapagtira ng mga tamang palo ang Pilipina upang makausad sa Last Four.
Sa iba pang mga laban, tiniyak ng No. 4 seed na si Maria Sakkari ng Greece ang kanyang puwesto sa semifinals matapos talunin si Aliaksandra Sasnovich ng Belarus, 6-2, 6-3.
Ginulat naman ni Alexandra Shubladze ng Russia ang top seed na si Sorana Cirstea ng Romania, 6-2, 6-3.
Samantala, tinalo ni Claire Liu ng United States ang kaibigan ni Eala na si Zeynep Sonmez ng Turkey, 6-1, 6-4.
Makakaharap ni Eala si Sakkari sa semifinals sa Sabado, habang maglalaban sina Liu at Shubladze.
Bago makarating sa semifinals, tinalo ni Eala ang Australian na si Emerson Jones, 6-4, 6-3, sa kanyang unang laban, at si Valentova, 6-4, 7-6(7), upang makapasok sa kanyang ikapitong quarterfinal ngayong taon.
Iyon din ang unang pagkakataon sa kanyang karera na nagwagi si Eala laban sa isang Czech sa tour-level tournament matapos ang 11 pagtatangka. Natalo na siya sa 10 paghaharap, kabilang ang apat na laban ngayong season — kina Linda Noskova sa Indian Wells at Berlin, Karolina Muchova sa Miami, at Valentova sa Doha.
Ang world No. 17 na si Eala ay nakapasok din sa quarterfinals ng Tokyo tournament noong nakaraang linggo. Sa kabuuan, ito na ang kanyang ika-10 quarterfinal sa tour-level tournaments.


