Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P818M unexplained wealth ni VP Sara, pinasasagot ng prosekusyon

Hinamon ng House prosecution panel ang kampo ni Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang halos P818 milyong umano’y unexplained wealth nila ng mister na si Atty. Manases Carpio sa pagbabalik ng impeachment trial sa Lunes, November 9.

Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, inaabangan ng prosekusyon ang magiging paliwanag ng depensa sa mga natuklasan ng forensic accounting expert na si Atty. Alexander Cabrera.

“Una, ano ho ’yung paliwanag sa paratang ng [higit] 800 million [pesos] in unexplained wealth na kinompute, kinalkula ng atin pong financial analyst na si Atty. Alex Cabrera?” tanong ni Ridon sa Saturday News Forum sa Quezon City nitong November 7.

Batay sa pagsusuri ni Cabrera, umabot sa P817.87 milyon ang umano’y undeclared assets at unexplained wealth ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.

Konserbatibong pagtataya lamang umano ito dahil posibleng umabot sa P1.5 bilyon ang mas malawak na komputasyon, depende sa karagdagang pagsusuri ng kanilang mga utang at iba pang obligasyon.

Kinuwestiyon din ni Ridon kung bakit wala pang P80 milyon ang idineklarang net worth ni Duterte sa kanyang 2023 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), gayong lumampas umano sa P100 milyon ang kabuuang bank deposits, insurance at investments na natukoy ng prosekusyon.

“Pangalawa, ano po ’yung paliwanag doon po sa mga SALN na halimbawa for 2023, nagtatakda na hindi po aabot ng 80 million pesos na kayamanan peri nung binuksan, binuklat ng House prosecution panel ’yun pong mga bank accounts, insurance at investment accounts ng mag-asawang Duterte-Carpio, lagpas isandaang milyong piso ’yung laman po ng mga ito?” ani Ridon.

Nauna nang inakusahan ng prosekusyon si Duterte ng hindi kumpletong pagdedeklara ng kanyang mga ari-arian at interes sa negosyo.

Nitong Huwebes, tinanggap ng Senate impeachment court ang mahahalagang financial records at malaking bahagi ng forensic report ni Cabrera bilang ebidensya, bagaman may ilang corporate records at komputasyong hindi pinayagan.

Ang Article II, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, ang nag-iisang natitirang impeachment charge matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlong iba pang artikulo noong October 13.

Itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon, habang kinukuwestiyon ng kanyang mga abogado ang ebidensya ng prosekusyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles