Kasong estafa at paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa apat na indibidwal, kabilang ang tatlong may-ari ng pet crematorium sa Bacoor City, Cavite, dahil sa umano’y pagtatapon ng mga bangkay ng alagang hayop.
Inihain ng NBI ang reklamo sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes, November 6, matapos matuklasang hindi umano kino-cremate ang mga bangkay ng mga alagang hayop na ipinagkatiwala sa establisimyento.
Batay sa imbestigasyon, hindi nakakuha ng mga kinakailangang makina ang crematorium kaya ipinadala na lamang sa pamamagitan ng courier ang mga bangkay sa Bulacan, kung saan itinapon ang mga ito sa mga bakanteng lote.
Tatlong lugar ang natukoy ng NBI na pinagtapunan ng mga bangkay, na nakalagay sa magkakahiwalay na supot na may pangalan at timbang ng bawat hayop.
Ayon sa NBI, hindi bababa sa isang taon nang ginagawa ng crematorium ang naturang operasyon.
Humiling din ang ahensya ng Immigration Lookout Bulletin para mabantayan ang posibleng pag-alis ng apat na inirereklamo sa bansa.
Susuriin pa ng DOJ ang reklamo upang matukoy kung isasailalim ito sa preliminary investigation o karagdagang case-building.
Hinimok naman ng NBI ang iba pang pet owners na posibleng nabiktima na magsampa rin ng reklamo. /Bistado


