Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

High Speed Hitters, pinabagsak ang Cool Smashers 

Nakamit ng PLDT ang ikatlong sunod na panalo matapos patigilin ang sariling ratsada ng Creamline, 25-19, 25-27, 25-23, 25-23, sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series sa Philsports Arena sa Pasig City nitong Huwebes.

Hindi tulad ng mga nauna nitong panalo kontra Capital1 at ZUS Coffee na nagwakas sa dalawang sunod na pagkatalo, kinailangan ng PLDT ng higit pa sa malakas na pagtatapos.

Nasa bingit na ang Creamline na mapuwersa ang fifth set matapos makabawi mula sa 19-23 paghahabol sa fourth sa pangunguna nina Bernadette Pons, Pangs Panaga at Tots Carlos, na nagsanib-puwersa para sa 4-1 atake.

Ngunit matapos ang tensyonadong palitan ng bola, pinakawalan ni Pons ang isang malakas na atake upang maitabla ang iskor na dumaan sa mga kamay ni Mika Reyes bago bumagsak malapit sa kanang sideline ng Creamline.

Mabilis na hinabol ni Jia De Guzman ang bola at una itong sinubaybayan bago nagbago ng isip, marahil dahil kumbinsido siyang lalabas ito sa court. 

Gayunman, bumagsak ang bola sa loob mismo ng court ng Creamline, dahilan upang mabigla ang Cool Smashers at tuluyang makamit ng High Speed Hitters ang pinaghirapang panalo sa loob ng dalawang oras at pitong minuto.

Hinamon ni Creamline coach Sherwin Meneses ang posibleng pagdikit sa net sa desperadong pagtatangkang mapanatiling buhay ang laban at maantala ang pagdiriwang ng PLDT.

Gayunman, ipinakita sa video review na hindi nagalaw nina Reyes at Kim Dy ang net, na tuluyang nagkumpirma sa dramatikong panalo ng High Speed Hitters.

Itinaas ng PLDT ang kartada nito sa 3-2 upang makatabla sa Choco Mucho at Farm Fresh sa standings habang tinapos ang four-game winning streak ng Creamline.

Nakabawi ang Farm Fresh mula sa pagkakaiwan sa 1-2 sets upang talunin ang ZUS Coffee, 25-21, 16-25, 21-25, 25-19, 15-10, sa unang laro.

Dahil sa resulta, nanatiling nag-iisang koponan na walang talo sa liga ang Nxled na may 4-0 kartada.

Lalong lumubog ang ZUS Coffee sa 0-5.

Pinangunahan ng Filipino-Canadian ace na si Savi Davison ang opensa ng PLDT sa naitalang 22 puntos. Naging mahusay din siya sa depensa sa pamamagitan ng 19 excellent receptions at walong excellent digs.

Ang middle blocker na si Dell Palomata ang itinanghal na Best Player of the Game matapos magtala ng 13 puntos sa kahanga-hangang 67 porsiyentong attack efficiency.

“It was a collective effort and we just showed what we’ve been working on in training,” pahayag ni Palomata nang tanungin kung paano nila pinaghandaan ang koponang nanggaling sa apat na sunod na panalo.

Kinilala rin ni Palomata ang kanilang naging paghihirap sa second set at itinuro ang mga unforced errors bilang pangunahing dahilan nito.

Nagtapos si Alleiah Malaluan na may 10 puntos matapos magpakawala ng mahahalagang atake sa unang set, habang nag-ambag sina Dy at Reyes ng walo at anim na puntos, ayon sa pagkakasunod.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles