Pinalaki umano ang isyu sa maling coordinates ng farm-to-market road (FMR) projects matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture (DA) na walo lamang sa 1,669 proyekto sa panukalang 2027 national budget ang may pagkakamali, ayon kay Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella.
“Eight lang pala out of [more than] 1,600, parang blown out of proportion na. Parang the whole budget or coordinates ng farm-to-market road ay mali,” ani Fuentebella sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food nitong Miyerkules, November 4.
Katumbas lamang ito ng 0.48 porsiyento ng kabuuang proyekto.
Ayon kay DA Assistant Secretary U-Nichols Manalo, bahagi ng National Expenditure Program (NEP) ang lahat ng 1,669 FMR projects at hindi mga budget insertions.
Naunang natuklasan ng People’s Budget Coalition, BetterGov.ph at BistoProyekto ang mga maling coordinates, na ayon sa DA ay dulot ng isa o dalawang maling digit sa encoding.
Iniutos na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagrepaso sa mga dokumento at validation procedures.
Gayunman, nagbabala si Manalo na maaaring hindi maipatupad ang walong proyekto kung hindi maitama ang coordinates bago maaprubahan ang budget.
“We will be losing that eight farm-to-market road projects kasi hindi po natin pwedeng i-implement ‘yun because of what happened dun sa encoding,” aniya.
Ayon kay Fuentebella, may panahon pa para itama ang mga pagkakamali habang nagpapatuloy ang budget deliberations sa Senado at bicameral conference committee.
Hinimok din niya ang DA na pagbutihin ang geotagging at validation, lalo na sa mga liblib na lugar na mahina ang mobile signal.
Sinuportahan naman ni House Agriculture Committee Chair Mark Enverga ang pakikipagtulungan ng DA sa mga civil society group para masuri at maitama ang mga project coordinates. /Bistado


