Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tutulungan nito ang libo-libong motorcycle taxi riders na nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa umano’y paglabag ng mga ride-hailing platform sa itinakdang 15,000-rider limit.
Ayon sa LTFRB nitong Martes, November 3, gumagawa na ito ng mga hakbang para protektahan ang mga rider na naglabas ng sariling puhunan at naniwalang legal ang kanilang pagpasok sa mga platform.
“What the agency is focused on is addressing the plight of the thousands of overboarded riders who invested their own resources to earn a decent living, and whose only fault was that they acted in good faith and trusted that they were allowed to operate under the existing rules and regulations,” ayon sa LTFRB.
Hindi pa pinal ang desisyon ng ahensya laban sa sangkot na motorcycle taxi platform dahil may nakabinbing motion for reconsideration.
Tumanggi rin ang LTFRB na ilabas ang buong detalye ng imbestigasyon bilang paggalang sa due process.
Nauna nang nagprotesta ang mga motorcycle taxi rider sa tanggapan ng LTFRB noong October 23 upang tutulan ang posibleng pagtanggal sa mga tinaguriang “overboarded” riders.
Ayon kay Motorcycle Riders Association Co-Convenor Jayson Luna, marami sa mga rider ang hindi alam na kabilang sila sa lumampas sa pinapayagang bilang.
Iginiit naman ni Kagulong Secretary General Don Pangan na dapat managot ang mga ride-hailing app na tumanggap sa kanilang aplikasyon.
Kasunod ng protesta, sinabi ni Luna na tiniyak sa kanila ng isang opisyal na hindi mawawalan ng trabaho ang mga rider kapag naisulong ang institutionalization ng motorcycle taxi services.
Patuloy namang pinag-aaralan ng LTFRB ang mga patakaran para matiyak na sumusunod sa regulasyon ang online registration ng mga rider. /Bistado


