Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

VP Sara impeachment trial, posibleng matapos ngayong November

Posibleng matapos ngayong November ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte kung lilimitahan ng depensa sa 10 buong araw ang presentasyon nito, ayon kay House lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas.

“Posible po na matapos ito bago ang katapusan ng Nobyembre,” ani Luistro.

Orihinal na humingi ang depensa ng 30 trial days para sagutin ang apat na articles of impeachment. Tatlo na rito ang binawi ng prosekusyon: ang mga paratang hinggil sa confidential funds, bribery at grave threats.

Article II na lamang, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, ang natitira para dinggin ng mga senador-hukom. Saklaw nito ang financial declarations, pinagmulan ng yaman at business interests ni Duterte habang Vice President.

“Ang klaro po ay 30 trial days ang hiningi ng depensa. Ayon po yan sa ating pre-trial order,” sabi ni Luistro.

Ipinaliwanag niyang nakalaan ang 30 araw para sa apat na articles. Dahil isa na lamang ang natitira, inaasahan ng prosekusyon na paiikliin ng depensa ang presentasyon nito.

“Oo. Ang kanila pong hihingin na trial days ay 10, at ito’y full day lahat,” ani Luistro.

Inaprubahan ng Senate impeachment court noong October 13 ang pagbawi sa tatlong articles. Nakatakda ang mga pagdinig sa November 9 hanggang 13, November 19 at 20, at November 23.

Walong araw lamang ang saklaw ng mga nakalistang petsa. Kakailanganin ng karagdagang hearing dates o pagbabago sa kalendaryo kung gagamitin ng depensa ang 10 buong trial days.

“In other words, we have reason to believe na ito pong 30 trial days na ito ay malaki ang mababawas, sana kalahati na lang o sampu na lang,” sabi ni Luistro.

Nakadepende pa rin sa impeachment court ang pinal na iskedyul. Makaaapekto rin dito ang dami ng testigo at dokumentong ihaharap ng depensa.

“Subalit kung ito po ay lalampas pa sa 10 trial days, maaaring lumiban po ito ng Disyembre,” ani Luistro.

Kahit matapos sa November ang presentasyon ng depensa, kailangan pang suriin ng mga senador-hukom ang buong trial record bago maglabas ng desisyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles