Bigong makaakyat sa podium sina Allain Ganapin ng taekwondo at Alyana Nuñez at Wilson Sante Jr. ng athletics sa 5th Asian Para Games sa Nagoya, Japan nitong Miyerkules.
Natalo si Ganapin sa Iranian Paralympic silver medalist na si Mahdi Pourrahnamaahmad sa quarterfinals ng men’s K44 under-80-kilogram division bago siya muling natalo kay Otabek Amatov ng Uzbekistan sa repechage, na tuluyang nagtapos sa kanyang pagtatangka na makakuha ng bronze medal.
Si Nuñez, na nagkamit ng dalawang gold medal sa 2025 Asean Para Games sa Thailand, ay nagtapos sa ikaapat na puwesto sa women’s discus throw F11 matapos makapagtala ng 28.77 metro sa Nagoya City Mizuho Park Athletic Stadium.
Nagtapos naman sa ikawalong puwesto si Rosalie Torrefiel sa parehong event sa pamamagitan ng paghagis na umabot sa 21.58 metro.
Muntik na rin makapasok sa podium si Sante matapos niyang makapagtabla sa ikaapat na puwesto kasama si Md Salem Reza ng Bangladesh sa men’s high jump, kung saan kapwa nila nalampasan ang taas na 1.83 metro.
Sa ngayon, mayroong dalawang gold medal, isang silver at isang bronze ang Pilipinas — lahat mula sa swimming.
Sa wheelchair fencing na ginanap sa Nagoya City Inae Sports Center, natalo si Wilfredo Bungayong II kay Didit Diantoro ng Indonesia, 15-9, sa round of 32 ng men’s epee Category A.
Hindi rin nakasulong si Marlyn Garrucho sa women’s epee Category A matapos siyang matalo, 15-8, kay Gulzorakhon Rakhmanova ng Uzbekistan.
Sa cycling, nagtala sina Nikko Peralta at Patrick Lee ng oras na 28:51.38 at 29:56.56 upang magtapos sa ika-12 at ika-15 puwesto, ayon sa pagkakasunod, sa hanay ng 24 na kalahok sa men’s C1-5 time trial sa Izu.
Magkakaroon pa ng isang pagkakataon sina Peralta, Lee at Paralympian Arthus Bucay na makapag-uwi ng unang cycling medal para sa bansa kapag lumahok sila sa men’s C4-5 road race sa Biyernes sa Cycle Sports Center sa Izu Peninsula.
Sa wheelchair basketball, lubos na nilabanan ng Pilipinas ang paboritong China bago tuluyang dumanas ng masakit na 61-59 pagkatalo sa classification round para sa ikalawa hanggang ikawalong puwesto sa Aichi International Arena.
Nakuha ni Ariel Joseph Alegarbes ang ikalawang gold medal ng Pilipinas nitong Martes matapos niyang magwagi sa men’s 100-meter backstroke S14 sa oras na 1 minuto at 1.56 segundo sa kanyang unang pagsabak sa Games.
Na-ungusan nya si Sungho Kang ng South Korea sa lamang na limang sentimo ng isang segundo (1:01.61), habang pumangatlo at nagkamit ng bronze si Natirat Meeprom ng Thailand sa oras na 1:02.08.
Samantala, nagkamit naman ng silver medal ang kapwa Pilipinong para swimmer na si Ernie Gawilan sa men’s 200-meter individual medley SM7 matapos magtala ng 2:52.72.
Ang pagkakamit ni Gawilan ng puwesto sa podium ay kasunod ng nauna niyang gold medal sa men’s 400m Freestyle S7.
Nakamit naman ng unang beses na kalahok sa Asian Para Games na si Raemond Adefuin, 16, ang bronze medal sa men’s 100-meter breaststroke SB6.
Hindi inaasahan ng 22-anyos na si Alegarbes, mula sa Victorias City, Negros Occidental, na mananalo siya.
“This is a dream come true,” ani Alegarbes. “A few years ago, I promised my coach and my entire family that I would win a gold medal at the Asian Para Games, especially for my country. I did this for them and for all the people here.”
Nagkaroon din ng personal na dedikasyon ang tagumpay na ito para sa isang pinsan na inalala niya habang nasa Games.
“I dedicate this to my country, my team, my coaches, my fellow Filipinos, and especially my cousin, Manang Lenlen,” aniya. “My cousin passed away this year and we were very close.”


