Walong buwan matapos tanggapin ng Makati City government, nakatengga pa rin at hindi naipamamahagi ang 9,230 emergency go bags—katumbas ng 84% ng 11,000 set na binili sa kabuuang P104.665 milyon.
Ito ang isa sa pinakamabigat na puna ng Commission on Audit (COA) sa 2025 audit report ng lungsod.
“9,230 of the 11,000 sets Emergency Go-Bags, or 84 percent of those procured for ₱104,665,000.00, remained undistributed as of audit date, or 8 months after delivery and acceptance, due to ongoing re-assessment of beneficiaries,” saad mismo ng COA.
Batay sa bilang, 1,770 set lamang ang hindi kabilang sa natitirang undistributed inventory sa petsa ng audit. Gayunman, hindi sinabi sa Executive Summary kung eksaktong kailan natapos o kung natapos na ang pamamahagi ng natitirang 9,230 bag.
Hindi lang go bags ang nadiskaril.
Ayon sa COA, bahagya lamang naipatupad o tuluyang hindi naisagawa ang City Urban Greening Masterplan, procurement ng closed-circuit television at iba pang programs, projects and activities sa Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM) Plan.
Re-evaluation at failed biddings ang binanggit na dahilan. Nauwi ito sa mababang paggamit ng LDRRM Fund at P1.497-bilyong unexpended balance sa pagtatapos ng taon—kasabay ng pagkaantala ng mga benepisyong dapat sanang natanggap mula sa mga apektadong proyekto.
Sinabi ng COA na ang mga implementation gap ay nagdulot ng pagdududa sa bisa ng planning, implementation at monitoring ng lungsod sa paggamit ng disaster fund, taliwas sa Section 21 ng Republic Act No. 10121.
Inirekomenda ng state auditors sa City Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang Makati disaster officials ang mas masusing pagsusuri sa feasibility, necessity at urgency ng mga proyektong isasama sa LDRRM Plan. Pinakikilos din silang bantayang mabuti ang implementation upang makarating sa mga residente ang benepisyo sa tamang panahon.
Sa social media, sa official Facebook page ng Makati local government na My Makati, October 2025 pa huling namataang namamahagi ng go bags ang lungsod.
Makailang ulit nang nagpahayag ng reklamo ang Makatizens online tungkol sa kawalan umano ng pamamahagi sa kanilang lugar nitong mga nakaraang buwan.
Isa pang mabigat na finding ng COA ang seguridad at auditability ng online Real Property Tax (RPT) system ng Makati.
Tax Declaration Number lamang umano ang kailangan upang makapasok sa Online Assessment and Payment Portal. Ayon sa auditors, inilalantad nito ang system at personal information ng taxpayers sa panganib ng unauthorized access.
Hindi rin naisumite sa lungsod ang ilang acknowledgment receipt at certification of deposit na kailangan upang suportahan ang daily collections. Hindi rin nabigyan ang COA Audit Team ng kaukulang electronic documents para mapatunayan ang online collections noong 2025, kaya hindi lubos na ma-verify ang mga ito.
Manual pa ring ina-update ng Information and Communication Technology Office ang taxpayer accounts gamit ang unstructured settlement reports—isang prosesong ayon sa COA ay nagpapataas sa panganib ng mali o kulang na data entry at operational inefficiency.
Pinatitibay ng COA ang portal sa pamamagitan ng multi-factor authentication, real-time reports, direct system linkage at pagsusumite ng kumpletong electronic supporting documents.
Nasita rin ang Gender and Development (GAD) budget ng Makati City.
P425.019 milyon lamang ang inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod para sa direktang pagpapatupad ng client-focused at organization-focused programs, mas mababa ng P187.203 milyon sa P612.222 milyong nakalagay sa aprubadong GAD Plan and Budget.
Hindi umano ipinaliwanag ang diperensya sa Accomplishment Report. Bagama’t nasunod ng lungsod ang minimum 5% GAD allocation at expenditures, sinabi ng COA na marami sa performance targets ang hindi naabot at hindi rin inilatag ang mga dahilan ng deviation at mga hadlang sa implementation.
Nananatili ring unsettled sa pagtatapos ng 2025 ang P36.152 milyong audit suspensions at P68.836 milyong disallowances. /Bistado


