Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

La Salle, FEU, tumibay ang tsansa sa UAAP men’s basketball semis

Nangibabaw ang defending champion De La Salle University kontra semifinalist na University of the Philippines, 88-80, sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City nitong Linggo upang panatilihing buhay ang pag-asang makapasok sa Final Four ng UAAP Season 89 men’s basketball.

Umakyat ang La Salle sa 8-5 record katabla ang Far Eastern University sa ikatlo at ikaapat na puwesto, habang napigilan ang pag-angat ng University of Santo Tomas (7-6), na nasa ikalimang puwesto.

Gaya ng La Salle, nakasisiguro rin ang FEU ng playoff para sa puwesto sa Final Four matapos pataubin ang isa pang semifinalist na National University, 85-63, sa naunang laro.

Nanatiling magkatabla sa pangunguna ang UP at NU na may 9-4 record.

Pinangunahan nina Andrei Dungo at Jacob Cortez ang Green Archers na kapwa magtala ng tig-22 puntos.

Nakapaglapit ang Fighting Maroons sa apat na puntos, 84-80, sa huling 20.5 segundo ng laban, ngunit nagawang panghawakan ng Green Archers ang kanilang kalamangan.

Nagtapos si Veejay Pre na may 20 puntos, 10 rebounds at tatlong assists para sa UP. Nagdagdag naman si Elliot Dimaculangan ng 15 puntos.

Tatapusin ng La Salle ang kanilang elimination round sa pakikipagharap sa FEU sa Nobyembre 28.

Sa araw ding iyon, maglalaban ang UP at NU para sa bonus sa Final Four.

Samantala, kailangang talunin ng UST ang Adamson University sa Miyerkules upang magkaroon ng playoff para sa huling puwesto sa semifinals laban sa matatalong koponan sa La Salle-FEU match.

Kapag natalo ang UST, makukumpleto na ang mga koponang papasok sa Final Four at magiging laban na lamang para sa mas magandang puwesto sa semifinals ang paghaharap ng La Salle at FEU.

Nanguna si Jorick Bautista sa Tamaraws matapos magtala ng 18 puntos, habang gumawa naman si Mo Konateh ng 13 puntos at 10 rebounds.

“We’re excited about it [the win] but we have to get over it because our plans will depend on what happens Wednesday (with UST),” pahayag ni FEU coach Sean Chambers.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles