Nagtala si Karylle Siebra ng career-high na 37 puntos upang pangunahan ang defending champion University of Santo Tomas sa 92-80 panalo kontra National University sa UAAP Season 89 women’s basketball sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City nitong Linggo.
Kailangan na lamang ng isang panalo ng Growling Tigresses upang makumpleto ang sweep sa elimination round at makuha ang unang finals seat.
Makakaharap nila ang Adamson University Lady Falcons sa Miyerkules ng tanghali sa Mall of Asia Arena Pasay.
“Mas masarap maglaro ngayon, nanood kasi papa ko diyan so mas kailangan ko maging motivation ko siya kasi minsan lang siya mag-watch sa akin,” pahayag ng 21-anyos na guard na nagtala rin ng 10 rebounds at limang assists.
Nahigitan ni Siebra ang dati niyang career-high na 35 puntos na naitala laban sa Ateneo de Manila University ngayong season.
Ang kanyang 37 points ang pinakamataas na indibidwal na scoring mula nang magtala si Mar Prado ng Adamson ng 40 puntos sa 83-50 panalo kontra University of the Philippines noong Oktubre 20, 2019.
“Let’s forget the clean record and the sweep. Let’s just play our game, stay together and then play hungry still. Forget the 12-0 record because we needed this game also,” bilin ni coach Haydee Ong bago ang laban.
Bumaba sa 8-5 kartada ang NU at kasalukuyan nang tabla sa Adamson sa ikalawang puwesto ng standings.
Nanguna si Ann Pingol sa Lady Bulldogs taglay ang 18 puntos, pitong rebounds, dalawang steals at dalawang blocks. Nag-ambag naman si Tin Cayabyab ng 15 puntos, apat na rebounds at tatlong assists, habang nagtala si Zaydhen Rosano ng 11 puntos at tatlong assists.
Samantala, tinalo ng UP ang De La Salle University, 92-74, upang manatiling buhay ang pag-asa sa Final Four.
Nagtala si Camille Nolasco ng career-high na 24 puntos mula sa 6-of-10 shooting sa three-point range upang makabuo ang UP ng three-way tie sa ikaapat na puwesto kasama ang Ateneo at Far Eastern University, na kapwa may 6-6 kartada.
Nag-ambag si Louna Ozar ng 20 puntos, pitong assists, anim na rebounds at apat na steals, habang nagdagdag si Ashley Loon ng 18 puntos para sa Fighting Maroons, na nagtala ng pinakamalaking kalamangan na 62-44 may tatlong minuto pang nalalabi sa third quarter.
Maghaharap din ang UP at NU sa Sabado.


