Mga pondong pang-“papogi” ang gustong ipatapyas ni Sen. Panfilo Lacson sa panukalang P7.2-trilyong budget para sa 2027 upang mailipat sa riles, subway at iba pang proyektong makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Sa pagsisimula ng plenary deliberations sa Senado, nanawagan si Lacson sa mga kapwa mambabatas, lalo na sa Kamara, na magsakripisyo muna sa mga pondong ginagamit umano sa pamumulitika.
Pinuna niya ang P241 bilyong pondo para sa hiwa-hiwalay na ayuda at 3,950 multipurpose buildings o MPBs na kabilang aniya sa paggastos na pang-“papogi.”
Ibinunyag din ni Lacson na may natukoy ang kanyang grupo na hindi bababa sa 30 hinihinalang “ghost” MPBs matapos suriin ang geographic coordinates ng mga proyekto at makitang walang gusali sa mga itinakdang lokasyon.
Ang ilan, aniya, ay paulit-ulit na napondohan noong 2024, 2025 at 2026 pero hindi pa naitatayo.
May nasilip din umano silang doble o paulit-ulit na alokasyon para sa flood control na balak niyang ipatanggal sa panahon ng pag-amyenda sa budget.
“Meron pa rin kaming nasilip. Double appropriations. Flood control na nga, doble pa yung appropriations,” ani Lacson sa panayam sa radyo nitong Lunes, November 23.
Sinusuri rin ng kanyang grupo ang mga MPB na umano’y may kasamang komisyong umaabot sa 10%.
Kinuwestiyon niya ang patuloy na paglalaan ng pondo sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients, TUPAD, Assistance to Individuals in Crisis Situations at Tulong Dunong scholarship program.
Sa halip, gusto niyang unahin ang imprastrakturang makapagpapasigla ng negosyo at trabaho, partikular ang mga subway at railway project na may tulong mula sa ibang bansa.
“Sana i-adjust natin ang ating ipapasang budget, para sa investment-oriented,” ani Lacson.
Binanggit niya ang 2.1% paglago ng ekonomiya noong ikatlong quarter at 7.8% inflation noong October bilang dahilan para baguhin ang prayoridad sa paggastos.
Gayunman, iginiit niyang kailangang maipasa sa oras ang budget upang maiwasang gumamit ng reenacted budget o muling ipatupad ang nakaraang badyet.
Para mabantayan ang posibleng kuwestiyonableng singit sa bicameral conference, sinabi ni Lacson na inimbitahan ng Senado ang mga budget advocacy group, kabilang ang People’s Budget Coalition, na magmonitor.
Gusto rin niyang tuloy ang livestream kahit suspendido ang bicameral meeting upang makita ng publiko ang negosasyon sa pondo. /Bistado


