Hiningan ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ang depensa ni Vice President Sara Duterte ng mga dokumento sa kita, pautang o bentahan ng ari-arian na magpapaliwanag sa P817.87 milyong tantiya ni forensic accountant Alexander Cabrera.
Sa press conference ngayong Lunes, November 23, binalikan ng kongresista ang pagsusuri ni Cabrera sa umano’y hindi idineklarang mga ari-arian at kinalkulang kita mula 2022 hanggang 2025.
Binubuo ito ng P190,628,012 para sa 2022, P167,337,227 sa 2023, P264,217,123 sa 2024 at P195,692,505 sa 2025. Kabuuan itong P817,874,867.
Batay ang pagsusuri sa bank, tax at corporate records, kasama ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth na nakuha ni Cabrera. Ayon kay Adiong, may mga dokumento pang hindi nasuri, ngunit wala siyang iniharap na dagdag na nakuwentang halaga.
Iginiit niyang kailangang ipaliwanag ang pinagmulan ng pera sa halip na umasa sa pagpaparehistro ng mga kumpanya.
“Hindi ito tanong kung legitimate ang mga negosyo,” ani Adiong.
Kinuwestiyon din niya ang P2,142,369.14 na GenCorp-related payments matapos itong ihambing sa P46,875 na naitalang paid-up investment sa Davao Bounty.
Ayon sa defense witness na si Suzette Balucanag-Punay, ang mga bayad ay pagbabalik ng kapital mula sa naunang branch investment. Gayunman, hindi niya naitatag ang buong halaga ng orihinal na puhunan.
Hiniling ni Adiong ang mga dokumentong magpapatunay sa unang inilagak na kapital at mga sumunod na bayad.
Tinanong din niya ang batayan ng pagturing sa P64,194.72 na compensation mula sa Davao City bilang salary differential.
Ayon sa presentasyon, hindi tinukoy sa Form 2316 ang panahon ng serbisyo o kung salary differential ang bayad. Gumamit naman ang depensa ng hiwalay na payroll at voucher records upang ipaliwanag na adjustment ito para sa naunang serbisyo.
“Anong dokumento ang magpapaliwanag nito?” tanong ni Adiong. “Hindi ito labanan ng opinyon, labanan po ito ng dokumento.” /Bistado


