Uulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Linggo dahil sa shear line, amihan, easterlies at intertropical convergence zone (ITCZ), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa pagtataya nitong alas-4 ng madaling-araw, magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkulog at pagkidlat sa mainland Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino at Aurora dahil sa shear line.
Ganito rin ang panahon sa Caraga, Davao Region at Southern Leyte dahil sa ITCZ, at sa Quezon dahil sa easterlies. Posible ang biglaang pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Maulap at maulan din sa natitirang bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera dahil sa amihan. Binalaan ang mga residente sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa Ilocos Region, bahagyang maulap hanggang maulap na may pulu-pulong mahinang ulan. Wala namang inaasahang malaking epekto sa lugar.
Bahagyang maulap hanggang maulap na may pulu-pulong pag-ulan o pagkulog at pagkidlat sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies. Gayundin sa natitirang bahagi ng Mindanao dahil sa ITCZ.
Nagbabala ang Pagasa na maaari pa ring magkaroon ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa kapag matindi ang thunderstorms. /Bistado


