Nagbabala ang House prosecution na posibleng pinatatagal ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang impeachment trial matapos kanselahin ang mga pagdinig sa November 26 at 27 dahil hindi available ang mga testigo nito.
Ayon kay prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, “mukhang may strategy po, sa aming palagay, na i-drag itong impeachment trial na ito” nang lampas sa panahong kailangan para marinig ang mga testimonya.
Sinabi niyang binigyan ng impeachment court ang depensa hanggang ikalawang linggo ng December para tapusin ang paghaharap ng ebidensiya at mga testigo.
Hinihintay pa ng prosekusyon ang listahan ng mga susunod na testigo. Kinilala naman ni Adiong ang karapatan ng depensa sa paghaharap ng mga ito, alinsunod sa pahintulot ng korte.
Kinuwestiyon din niya ang kaugnayan ng testimonya ng dalawang testigo noong Biyernes sa natitirang Article II tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.
“Malayong malayo po ang kanilang testimonya sa allegation sa Article II,” ani Adiong.
Anya, nakatuon lamang ang testimonya sa pagpaparehistro ng banana chips exporter na Cale88 Foods Corp. sa Board of Investments (BOI) at sertipikasyon ng produkto nito mula sa Food and Drug Administration.
Itinatag ang Cale88 noong 2021 ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio at dentista nitong si Lourdes Lebosada. Kapwa sila may hawak noon na 47.5% bahagi sa kumpanya.
Batay sa datos ng Anti-Money Laundering Council na binanggit ng prosekusyon, nakatanggap ang Cale88 ng P776 milyong inflows mula sa ibang bansa noong 2022–2025, kabilang ang P319 milyon mula China.
Kinuwestiyon ng ilang senador-hukom kung bakit umabot sa P776 milyon ang foreign remittances gayong P208 milyon lamang ang idineklarang benta.
Ayon kay Trade Undersecretary at BOI vice chairman Ceferino Rodolfo, dapat tumugma ang inflows sa halaga ng export sales. Wala umano siyang impormasyon kung saan nagmula ang diperensiya. /Bistado


