Ang nag-iisang goal ng University of Santo Tomas mula kay Renan Ballespin ang naghatid sa 1-0 panalo kontra Ateneo de Manila University at nagbigay ng puwesto sa semifinals ng UAAP Season 89 men’s football sa UP Diliman Football Field sa Quezon City nitong Huwebes.
Naiposte ng 22-anyos na si Ballespin ang panalong goal sa 90+4 minuto upang tulungan ang Golden Booters na makuha ang huling puwesto sa semifinals tangan ang 17 puntos.
Tuluyan nang nawalan ng tsansang makapasok sa postseason ang Ateneo at Far Eastern University.
Ikalawang sunod na season na hindi nakapasok sa Final Four ang Ateneo, habang unang beses namang nabigong umusad ang FEU mula noong Season 78.
Ang iba pang semifinalists ay ang Adamson University, De La Salle University at University of the Philippines.
“The players deserve to be in the Final Four because they strived hard in this game,” pahayag ni head coach Marjo Allado.
“Kung sasabihin ko, as coaches, grabe, hirap na hirap ang mga players sa touches, fitness, cramps. Ateneo, in the last 10 minutes, continuous yung atake nila, Dov [Cariño] is a very dangerous player, kahit sino sa midfield nila.”
Pinigilan ng goalkeeper ng UST na si Mark Allen Daig ang pagtatangka ni Diego Angeles na makaiskor sa ika-38 minuto.
Sinubukan naman ni Cariño, na nangunguna sa scoring charts ng torneo taglay ang anim na goals, na makaiskor sa ika-66 minuto ngunit tumama ang bola sa goalpost.
Tinangka ni Blue Eagle Joziah Rance na samantalahin ang isang corner kick upang maitabla ang iskor, ngunit nanatiling matatag ang depensa ng Golden Booters.
Tinalo rin ng UST ang Ateneo, 2-0, noong Oktubre 15.
Tatapusin ng Ateneo, na nasa ikaanim na puwesto taglay ang walong puntos, ang kampanya kontra Adamson sa Nobyembre 25 sa parehong venue.


